Filtered By: Showbiz
Showbiz

Angelu de Leon at Bobby Andrews, ibinahagi ang mga dahilan sa likod ng naudlot nilang relasyon


Inamin ng isa sa pinakasikat na 90s love team na sina Angelu de Leon at Bobby Andrews na umasa silang magiging real-life couple sila noon kasabay ng pagpapakilig sa kanilang mga tagahanga at manonood ng teen-oriented show na “TGIS.”
 
Hindi raw natuloy ang kanilang relasyon dahil mahigpit ang ina ni Angelu pagdating sa pakikipagrelasyon ng aktres.
 
Kwento ni Bobby sa 'Tonight with Arnold Clavio,' “Hindi natuloy kasi siguro dahil nga ang bata pa ni Angelu noon at saka sobrang strict ng Mommy niya noong mga panahong iyon.”
 
Ayon naman kay Angelu, hindi nabago nito ang pagiging malapit nilang dalawa. “Siguro alam mo, lagi namin 'yan sinasabi, we're more than friends but less of a lover,” aniya.
 
Sa naturang episode, ibinahagi rin ng love team ang isa pa sa mga dahilan kung bakit naudlot ang kanilang pagmamahalan.
 
Naganap ito nang manood sila Angelu at Bobby ng concert nang silang dalawa lamang, sandaling panahon lamang matapos makipaghiwalay ng aktres sa kaniyang kasintahan noon.
 
“Pagkatapos ng concert, ihahatid na niya ako sa bahay biglang may tumawag sa kanya, 'yung girlfriend niya noon. Naghiwalay na nga kami noon ng boyfriend ko kaya nga kami nanood ng concert. Akala ko, liligawan na ako ni Bob," saad niya.
 
Doon na raw nagtapos ang kanialng real-life love story, ngunit nagkatuluyan naman daw sila sa huli-- sa harap ng camera.
 
Ayon kay Angelu, “Nagkatuluyan din kami. Mag-asawa kami ngayon sa Buena Familia.”
 
Kabilang sina Bobby at Angelu ngayon sa mga bumibida sa GMA Afternoon Prime series na “Buena Familia” kasama sina  Kylie Padilla, Martin del Rosario, Julie Anne San Jose, Jake Vargas, Julian Trono, at marami pang iba.  — Bianca Rose Dabu/ELR, GMA News