ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ken Chan says theater a big help for his showbiz career


Lingid sa kaalaman ng nakararami, nagsimula sa pag-arte ang “Healing Hearts” star na si Ken Chan sa teatro, at ito raw ang naging pundasyon niya sa kaniyang pagpasok sa showbiz.

Nakatakdang gumanap si Ken sa pinakabagong GMA Afternoon Prime series na “Destiny Rose” sa darating na September 17, kung saan gaganap siya bilang isang transwoman, at aminado siyang malaking tulong ang karanasan niya sa teatro upang magampanan ang natatanging role.

Mag-aaral pa lamang daw ang Kapuso actor ay naging aktibo na siya sa theater scene, at nagkaroon pa siya ng pagkakataong makatrabaho ang Kapuso actress and singer na si Glaiza de Castro sa stage play na “Rose for Emily.”

Naging tulay umano ni Ken ang teatro upang masimulan ang kaniyang showbiz career.

“'Yon ang nag-introduce sa 'kin para magkaroon ng commercial then after commercial, naging stepping stone ko 'yung TVC para pumasok sa showbiz,” kwento niya.

Sa kabila ng ilang taong pagsasanay sa pag-arte, kinailangan pa rin daw mag-adjust ng aktor sa mga pagkakaiba ng teatro at telebisyon.

Aniya, “Ang unang ginawa ko rito sa GMA ay 'yung Tween Hearts kay Direk Gina Alajar. Sabi sa 'kin ni Direk Gina, 'Anak, nagta-teatro ka ano?' Kasi napakalawak ng kilos mo, hindi pang-TV. Nawawala yata ako sa frame sa sobrang lawak ng kilos ko sa TV noon."

"Nakatulong sa 'kin 'yung theater dahil mas madaling magbawas kaysa sa magdagdag ng acting,” dagdag pa ni Ken. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News