Filtered By: Showbiz
Showbiz
WATCH

Kapuso personalities, programs recognized in COMGUILD 2015


Pinarangalan sa 10th COMGUILD, o annual Conference of Journalism and Mass Communication students of the Philippines, ang ilan sa mga artista, news personalities, at programa ng GMA Network.



Ayon sa ulat ng “News To Go” nitong Lunes, kabilang sa mga kinilala ang Kapuso Primetime King at “Pari 'Koy” star na si Dingdong Dantes, na hinirang bilang Most Popular TV personality of the Year.

Kaugnay nito, nagpasalamat ang Kapuso actor at National Youth Commission ambassador-at-large sa pagkilalang natanggap sa pamamagitan ng isang Instagram post.

Aniya, “Thank you COMGUILD. This recognition fuels our drive all the more to provide our youth with quality content. #ilovemyjob.”



Pinarangalan rin si Mike Enriquez bilang Most Outstanding Male News Presenter, at ang programang “24 Oras” bilang Best News Program.

Natanggap naman ng “Born To Be Wild” ng GMA News TV ang Best Educational Program award, habang iginawad sa “Biyahe ni Drew” ang pagkilalang Best Lifestyle Program, at Best Magazine Show naman ang “Kapuso Mo Jessica Soho.”

Samantala, kinilala bilang Media Persona of Excellence ang batikang broadcaster na si Jessica Soho, at kasabay nito ang paggawad sa kaniya ng COMGUILD Hall of Fame Award para sa Most Outstanding Female News Presenter.

Hinirang rin bilang COMGUILD Hall of Famer ang Kapuso journalist at host na si Kara David para naman sa Best Female Field Reporter. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News