Drew Arellano on possibility of having an LGBT child: ‘Importante is may anak kaming mamahalin’
Isang taon matapos ikasal ang celebrity couple, fitness duo, at TV host tandem na sina Drew Arellano at Iya Villania, handa na nga raw silang magkaanak sa susunod na taon.
Sa ulat ng “24 Oras” nitong Sabado, sinabi ng “Biyahe ni Drew” host na handa na silang magkaanak ng kanyang misis.
Matatandaang ito rin ang naging laman ng mga naunang pahayag ni Iya, kung saan sinabi niya na magsisimula na silang sumubok na magkaroon ng anak ni Drew sa kalagitnaan ng susunod na taon.
“E, alam mo, bagong kasal pa lang kami saka this living-in thing is still new to us so ini-enjoy pa namin na kaming dalawa lang. Ang dami pa naming na-i-enjoy together as married couple. Alam naman namin the reality of having a baby, so as much as possible, we just wanna enjoy this first,” ayon sa “24 Oras” anchor.
Ngayong handa na silang magkaanak, hindi raw mahalaga sa mag-asawa kung babae man o lalaki ang ipagkakaloob sa kanila ng Diyos. Sa katunayan, bukas raw sila sa posibilidad na maging Lesbian, Gay, Bisexual, o Transgender (LGBT) ang kanilang anak.
Paliwanag ni Drew, “Boy, girl, or kunyari boy siya physically tapos gusto niyang maging girl, or girl physically tapos gustong maging boy, importante is may anak kaming mamahalin.”
Samantala, nagpapasalamat rin ang TV host na nagkaroon sila ng pagkakataon ni Iya na mapatibay ang kanilang relasyon sa loob ng isang taon sa pamamagitan ng fitness activities at travelling na parehong malapit sa kanilang mga puso.
“When you share a common goal, when you share a common sport, then your relationship will just get deeper and reach another level,” paliwanag ng “Biyahe ni Drew” host.
Kuwento pa ni Drew sa mga naunang pahayag, masaya siya na naimpluwensyahan niya ang asawa sa ganitong klase ng lifestyle, at proud siya sa mga nakakamit nito kahit na tatlo hanggang apat na taon pa lang siya sa triathlon training.
Kamakailan lamang, nanalo si Iya ng gold medal sa una niyang triathlon, at sumali rin silang mag-asawa sa sikat na triathlon race na Iron Man 70.3 na ginanap sa Vietnam. — Bianca Rose Dabu/BM, GMA News