Ai-Ai hints she may do GMA-7 sitcom with Vic Sotto
Tuluyan na bang mag-aalsa-balutan sa ABS-CBN ang comedienne na si Ai-Ai delas Alas at magbabalik na sa GMA-7? Sa press conference kasi ng Love 2 Laugh concert nina Ai-Ai at Ogie Alcasid na ginanap sa Scientology Celebrity Center sa Los Angeles, California, ay nagulat ang mga reporters na um-attend nang magpahiwatig si Ai-Ai na baka lumipat na siya sa Siete. May offer daw kasi sa kanya na isang sitcom kung saan ay makakasama niya si Vic Sotto. Kung matatandaan, nagkasama na dati sa GMA-7 sitcom na 1-4-3 sina Ai-Ai at Vic, kung saan ay kasama nila noong una si Charlene Gonzalez at napalitan ito ni Rosanna Roces. Nawala lang sa GMA-7 si Ai-Ai nang tanggapin niya noon ang very tempting offer ng Kapamilya network. Samantala, nagtanong-tanong ang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa ilang mga taga-Kapuso Network tungkol sa sitcom na malamang na pagsamahan nina Ai-Ai at Vic. Napag-alaman namin na ito âyong binabalak ng GMA-7 at M-Zet Productions na ipalit sa Daddy Di Do Du, na malamang ay hanggang sa katapusan na lang ng July ang pagpapalabas. Ayaw namang magsalita ng isang staff ng M-Zet Productions tungkol sa nabanggit na sitcom. Hindi pa naman daw kasi pumipirma sa kanila si Ai-Ai at hindi pa sila sigurado kung ang bago nilang sitcom ang show na pagsasamahan nina Ai-Ai at Vic sa GMA-7. "Hindi pa rin kasi sure kung hanggang kailan ang taping namin para sa Daddy Di Do Du kasi ginagawa pa ang set ng bagong show namin," sabi ng staff ng M-Zet Productions na nakausap ng PEP. Ang huling regular show ni Ai-Ai sa ABS-CBN ay ang teleserye na Bituing Walang Ningning. - Philippine Entertainment Portal