Filtered By: Showbiz
Showbiz

Robin Padilla says New Bilibid Prison issue is old news


Lumabas sa publiko ang aktor at batikang action star na si Robin Padilla upang ibunyag ang mga nalalaman niya hinggil sa buhay sa loob ng New Bilibid Prison. 
 
Matatandaang namalagi noon si Padilla sa Bilibid ng higit sa tatlong taon dahil sa illegal possession of firearms. Sa loob ng panahong ito, nasaksihan umano niya ang laganap na pagsasagawa ng mga iligal na aktibidad sa loob ng kulungan, kabilang na ang paggawa ng shabu, pagmamay-ari ng mga armas, at iba pa. 
 
Ayon kay Robin sa isang post sa Instagram, matagal na siyang nagsasalita hinggil sa isyu sa loob ng Bilibid, ngunit walang gustong makinig.
 
Gumawa pa umano siya ng pelikula hinggil dito. Ang 'Hari ng Selda: Anak ni Baby Ama 2' ay tungkol umano sa mga karanasan niya sa Bilibid. Ginampanan dito ni Robin ang papel ni Anghel, isang inmate na respetado at kinatatakutan ng ibang preso sa loob.
 
“Year 2001-2002, I did a film [and] designed it to be a statement... A handbook guide for the Filipino people. The truth [behind] the life inside the New Bilibid Prison. It was my first biggest flop. Nobody believed my story. Now, after 13 years, it's the biggest issue of 2014,” giit ng aktor sa naturang post.
 
Noong Lunes, Disyembre 15, nagsagawa ng surprise inspection si Justice Secretary Leila de Lima sa Bilibid kung saan natuklasan niya ang marangyang pamumuhay ng ibang inmates. 
 
Binansagang 'New Bilibid Hotel,' matatagpuan dito ang jacuzzi, sound system, air-conditioner system, mga hinihinalang droga, LCD TV sets, band equipment, home theater system, LCD projector, sauna facility, mamahaling mga sapatos, salamin, relo, sex toys at iba pang gadgets. 
 
Natagpuan din ang perang nagkakahalagang P500,000 at ilang mga baril. Pagmamay-ari umano ito ng mga drug lords na namamalagi sa Bilibid. Matapos ang raid, inilipat na ang mga ito sa isang 'undisclosed' facility. — RSJ, GMA News