Jennylyn Mercado on being friends with ex-boyfriend Luis Manzano: Time lang ang makakapagsabi
Magkasabay na dumating ang dating magkasintahang sina Jennylyn Mercado at Mark Herras sa isang awards night noong gabi ng Biyernes, July 18, na ginanap sa SM MOA Arena sa Pasay City.
“Gusto lang naming ipakita sa lahat ng supporters at siyempre yung mga fans namin ni Mark na yung relationship namin, yung friendship namin, talagang solid pa rin,” paliwanag ni Jennylyn Mercado sa Yahoo Celebrity Awards 2014.
Pagpapatuloy niya, “Gusto namin maging role models sa lahat ng love teams, sa magkakaibigan, o sa mag-ex na, 'di ba, na solid pa rin talaga kahit anong pinagdaanan namin, kahit anong mangyari, kami pa rin ang magkasama.”
Nagbalik-tambalan sina Jennylyn at Mark sa GMA-7 teleseryeng "Rhodora X" na ipinalabas mula January hanggang May ng kasalukuyang taon.
Mariing itinanggi ni Jennylyn ang isyung lumabas na nagkabalikan na raw sila ni Mark.
Paglalarawan ni Jen sa relasyon nila ni Mark, “Kumbaga, si Mark ang isa sa mga pinaka-comfortable na nakatrabaho ko, para ko nang kapatid ‘yan, e. Parang pamilya na kami.”
Si Mark lang ba ang dating boyfriend niya na kumportable siya?
“Yung mga ex ko naman, mga friends ko naman, e. Friends ko naman sila,” pahayag ni Jen.
Sa isang ulat na nailathala sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong February 2014, sinabi ni Jennylyn na “okay” din sila ng dating boyfriend na si Patrick Garcia, ama ng anak ni Jen na si Alex Jazz.
Sinabi pa ni Jen na wala silang samaan ng loob ni Patrick.
Follow-up na tanong kay Jennylyn: Ano ang kailangan upang maging kaibigan ang isang dating ex mo?
“Siguro ang pinaka-secret lang is time. Yun lang… panahon lang ang makakapagsabi kung kailan kayo magiging okey ulit.
“I know masakit 'pag breakup talaga. Mahirap makipaghiwalay sa taong talagang nakasama mo nang matagal at mahal mo, pero time lang ang makakapagsabi kung kelan kayo magiging ready na para sa isa't isa, maging friends ulit.”
Sundot ng PEP, magkaibigan na ba sila ng pinakahuling naging boyfriend niya na si Luis Manzano?
“Sabi ko, 'di ba, time lang ang makakapagsabi? So ‘yun,” sagot ng aktres.
Open to kontrabida roles
Dahil sa pagkapanalo ng award ni Jennylyn sa kanyang pagganap sa Rhodora X bilang kontrabida, sinabi niya na bukas siya sa mga papel na kontrabida. “First time kong manalo ng kontrabida.
Hindi ko ine-expect. First bida-kontrabida role ko yung Rhodora X and so hindi ko ine-expect na dun talaga mananalo,” ani Jen na idinagdag na hindi naman talaga siya gumaganap bilang isang kontrabida.
Sabi pa niya, mas nadadalian pa siya sa paggawa ng ganitong klaseng roles. "Parang mas madali kasi para sa akin, walang effort 'pag ginagawa, hindi ba?
“Mas mahirap umiyak, mas madali maapi, kesa ikaw ang sasampal,” paliwanag niya. — Pep.ph