Filtered By: Showbiz
Showbiz

Claudine Barretto posts bail in robbery case filed by former househelp - report




Bago pa man masilbihan ng warrant of arrest, nakapagpiyansa na ang aktres na si Claudine Barretto para sa kasong robbery na isinampa ng dati niyang kasambahay na si Jenifer Murillo.

Ayon sa utos ni Judge Felix Reyes, na may petsang June 6, boluntaryong sumuko si Claudine sa Marikina Regional Trial Court upang magbayad ng piyansang nagkakahalaga ng P100,000.

Bunsod nito, ibinasura na ng korte ang inihaing apela ng kampo ng aktres noong April 21.
Kasabay nito ay pinayagan ng korte si Claudine na magbayad ng piyansa upang pansamantalang makalaya.

“Wherefore, the ‘Motion to Defer Issuance of or Recall Warrant of Arrrest and to Suspend Proceedings’ filed by the accused on April 21, 2014 is hereby DENIED for being moot and academic.

"However, in view of the voluntary surrender of the accused in the jurisdiction of the court, she is allowed to post a cash bond in the amount of One Hundered Thousand Pesos (P100,000.00) for her temporary liberty," pahayag ni Judge Reyes sa naturang court document.
 
THE INCIDENT. Sa eksklusibong ulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong April 23 at 25, unang inihayag ng legal counsel ni Jennifer, si Atty. Richard Quicho, na pormal nang nakasuhan ng robbery si Claudine sa Marikina RTC noong April 7.

Kaugnay ito ng insidente noong August 2013, kung saan sapilitan diumanong kinuha ni Claudine ang mga kagamitan ni Jenifer bago tuluyang pinalayas ang dating kasambahay.  

Kabilang dito ang passport, birth certificate, ID pictures, portable media player, cell phone, speaker, at tablet—na may kabuuang halagang P16,000.

Basahin: Claudine slams Raymart, Gretchen over robbery case against her -- report

Basahin: Raymart camp denies knowledge nor involvement in Claudine robbery case

Nauna nang inihayag ng kampo ni Claudine na ang naturang robbery case ay bahagi diumano ng isang “grand scheme” ng mga kaalitan ng aktres—ang estranged husband nitong si Raymart Santiago at ang estranged sister nitong si Gretchen Barreto.

Ngunit agad namang pinabulaanan ng kampo ni Raymart ang alegasyong ito ni Claudine.

Samantala, nakatakdang magkaroon ng arraignment at pre-trial para sa kasong robbery na isinampa ni Jenifer laban kay Claudine sa Marikina RTC sa June 11.

Kinontak na ng PEP ang legal counsel ni Claudine na si Atty. Ferdinand Topacio at pati na rin ang legal counsel ni Jenifer na si Atty. Richard Quijo ngayong araw, June 9, upang kunin ang kanilang panig.

Sa ngayon ay wala pang ibinibigay na opisyal na pahayag ang magkabilang kampo hinggil sa isyu. -- Rachelle Siazon, PEP