Filtered By: Showbiz
Showbiz
Remembering Rico Yan
Limang taon matapos ang kaganapang ito, muling gugunitain ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang kanyang pagkamatay at kung paano nito naapektuhan ang mga taong malapit sa aktor. Isang gabi ng kasiyahan. Huwebes Santo nang huling makitang masaya si Rico, ayon sa malapit niyang kaibigan na si Dominic Ochoa. Sa paglalarawan ni Dominic sa artikulo ng YES! magazine na inilabas noong Mayo 2002, "He was happy, yeah... During that day, he had fun, he had a blast. And that was the first day and the last day during Dos Palmas that he didn't talked about his problems." Sa mga panahong iyon, kakahiwalay lamang ng aktor sa kasintahan niya sa loob ng apat na taon na si Claudine Barretto. March 24 noong tinuldukan ng dalawa ang kanilang relasyon at matatandaang umabot pa sa puntong nagkasakitan umano sila. Ayon sa malalapit na kaibigan ni Rico, ikinalungkot ng aktor ang kanilang paghihiwalay lalo pa't pinagpiyestahan ito ng media. At noong araw nga na iyon ay tila nabura lahat ng kalungkutan sa puso ng aktor, at ito'y sinang-ayunan naman ng GMA-7 broadcaster na si Arnold Clavio, na nagkataong nandoon din sa Dos Palmas. Ang kuwento ni Clavio, "Pero kung talagang malungkot siya sa loob, talagang aktor siya dahil hindi niya kami dinamay, ano. Ang saya-saya niya talaga." Pinatunayan naman ng mga taong malapit sa aktor na talagang marunong magtago ang aktor ng kanyang saloobin, lalo na kung ito ay personal na problema. "Si Rico kapag may problema, maliit man o malaki, hindi mo mahahalata sa kanya. Hindi ka niya isasali o idadamay. Sasarilinin lang niya 'yon," paglalahad ni Kate Dolino, dating may hawak kay Rico sa ABS-CBN Talent Center. Ganito rin ang naging pahayag ni Father Tito Caluag, isang malapit na kaibigan ni Rico. Aniya, "Kasi si Rico, ayaw manggulo ng tao." Pati ang dating publicist ng binatang aktor na si Mell Navarro, halos walang pagkakaiba ang kanyang paglalarawan kay Rico, "Pagdating sa sensitive issues lalo na sa love and family, medyo secretive. Hindi mo maaasahang magkuwento." Isang bangungot. Bangungot o kung tawagin ay "acute hemorrhagic pancreatitis" ang diumano'y naging sanhi ng pagkamatay ni Rico Yan, ayon sa mga doktor na sumuri sa mga labi ng aktor. Martes Santo nang magtungo sina Rico, Dominic at dati nitong kasintahan na si Janna Victoria, at ilan pang kaibigan sa Dos Palmas upang magbakasyon. Nagkaroon raw ng kasiyahan ang grupo, kasama si Clavio, noong Huwebes Santo, at inabot ito ng madaling araw. At ayon sa kuwento, si Rico ang huling nagpahinga noong gabing iyon. Ani Dominic, "He took a Scotch pero siguro mga dalawa, tatlong baso lang." Naalala ni Rico ang isa pang malapit na kaibigan na si Marvin Agustin kung kaya't tinawagan niya ito: "Bro, sana nandito ka. Nagdi-dinner kami by the beach. Iniisip ka namin." Matapos noon ay nasambit ni Rico sa kasamang si Dominic: "This is the best time of my life." Ilang oras ang nakalipas, natagpuan ni Dominic ang kaibigan na wala ng malay. Dali-daling naghanap ng doktor sina Dominic at sakto namang sina Dr. Carlos Reyes at ang asawa niyang si Dr. Rosalie Reyes ay kasalukuyang naka-check in din sa nasabing resort. Sa paglalarawan ni Dr. Reyes, ang lagay ni Rico noong oras na iyon ay, "No respiration, no heartbeat, cyanotic, cold, fixed dilated pupils." Agad na dinala si Rico sa Adventist Hospital sa Puerto Princesa lulan ng isang speedboat. Ngunit hindi na muli pang nagkamalay ang binata. Biyernes Santo, 10:45 ng umaga, opisyal na idineklarang patay ang 27 taong gulang na si Rico Yan. Isang pag-alala. Unang nakilala si Rico Yan bilang isang commercial model at host ng dating programa sa TV na 'Sang Linggo nAPO Sila. Napatunayan ni Rico ang kanyang galing sa pag-arte sa una niyang pelikula na Radio Romanceâkung saan una rin niyang nakasama si Claudine. Simula noon, nagdagsaan ang mga proyekto kay Rico, mapa-telebisyon man o pelikula. Sa kabuuan, nakagawa si Rico ng 11 na pelikula at napabilang sa 4 na programa sa telebisyon. Kasama rito ang teleseryeng "Mula sa Puso" na nagpasikat sa tambalan nila ni Claudine Barretto. Taong 2002 nang ginawa nina Rico at Claudine ang pelikulang Got to Believe, ang huling pagtatambal ng dalawa at huling pelikula na rin ng aktor. Isang pamamaalam. Batid ng karamihan na hindi naging mapayapa ang paglisan ni Rico Yan, dahil kaakibat ng kanyang pagkamatay ay ilang kontrobersiya. Usap-usapan noon na ang matinding pagkalungkot na naramdaman ng aktor bago siya mamatay ay dahil sa paghihiwalay nila ni Claudine. Ayon kay Dominic, ilang ulit binanggit ni Rico ang kanyang matinding panghihinayang sa paghihiwalay nila ni Claudine noong sila ay nasa Dos Palmas. Tandang-tanda ni Dominic ang mga pahayag ni Rico isang araw bago nakita ang namayapang aktor na masayang-masaya: "Hindi ko alam kung bakit nangyayari ito. It's so hard to accept, but then mahal ko 'yung tao. Pero you're so mixed up. 'Di ko alam kung how to handle this. And I don't know how come this is happening, how come these things are coming up. But then it's hard because it's been four years and I loved the person." At noong burol ni Rico, bunsod na rin ng mga kuwentong naglabasan, hindi pinahintulutan ng pamilya Yan na masulyapan ni Claudine ang dati niyang kasintahan. At noong gabi ng Linggo ng Pagkabuhay na nabigyan na si Claudine ng permiso na masilip si Rico, kapansin-pansin na hindi makikita ang sinuman mula sa pamilya ni Rico maliban sa ina niyang si Sita Yan. Magkahalong tensyon at emosyon ang mararamdaman sa mga oras na iyon. Tahimik lang na lumapit sa kinaroroonan ni Rico si Claudine, kasama ang mga kapatid na sina Gretchen at Marjorie, na kasama ang asawang si Dennis Padilla. Pagkalipas ng apat na araw, sa libing ng binatang aktor, hindi nabigyan ng anumang partisipasyon si Claudine. Hindi na rin siya muling nakalapit kay Rico. At sa pag-ulan ng mga confetti, mistulang bumaha rin ng luha. Isang bagong panimula. Kasabay ng babang-luksa ng pamilya ni Rico, ipinakilala ang Rico Yan Foundation sa PhilSports Complex (dating ULTRA) noong Mayo 8, 2002. Layunin ng nasabing foundation na bigyang halaga ang nasimulan ng binatang aktor sa kanyang Pinoy Yan Movementâang ipalaganap ang magagandang kaugalian sa mga kabataan. Inalala ng ina ni Rico na si Mrs. Sita Yan ang layunin ng kanyang anak noong siya ay nabubuhay pa, "Through his Pinoy Yan Movement, [Rico] would go around the country promoting "good values" among the nation's youth. "To show his point, Rico would hold up a P500 bill, crumple it, and step on it. And then say: âWho would like this crumpled P500?' And everybody would raise their hands. "Ganyan din kayong mga kabataan. Ang halaga ninyo ay hindi mababawasan. Kahit na anong mangyari, ang halaga ninyo ay nandoon pa rin. Bawat isa sa inyo mahalaga at katangi-tangi." At noong July 2004, nagkaayos na rin si Claudine at ang pamilya Yan sa isang cafe sa Connecticut Street, Greenhills. Si Geraldine, ang nakatatandang kapatid na babae ni Rico at pinakamalapit rin kay Claudine, ang nakipag-usap. Ayon kay Sita, "nag-usap sila, nag-iyakan sila ng apat na oras. They talked about everything...everything that happened. And they cried." Limang taon na ang nakalipas mula noong mawala si Rico. Unti-unti, naghilom na ang mga sugat. Unti-unti, napawi na ang kalungkutan. Unti-unti, ang kontrobersiya napalitan ng kapatawaran. At saan man naroroon si Rico, nawa'y masaya siya at huwag mawala sa kanyang mga labi ang ngiting nagpasaya sa milyung-milyong Pilipino. - Philippine Entertainment Portal
Tags: ricoyan, claudinebarretto
More Videos
Most Popular