Filtered By: Showbiz
Showbiz

Direk Maryo J. delos Reyes reveals: 'Dati akong 'ex-convict''



 
Nagbigay ng speech ang batikang direktor ng Niño na si Direk Maryo J. delos Reyes sa ginanap na press conference ng pinakabagong GMA Telebabad show noong nakaraang linggo. Sa harap ng press, inamin niya ang isang bagay na hindi pa alam ng karamihan.

“Gusto kong sabihin na dati akong ex-convict. Ibig sabihin noon ay hindi galing sa bureau of prisons pero kundi galing sa seminaryo,” pahayag niya.

Nang pumasok daw si Direk Maryo J. noon sa seminaryo, hindi pa rin daw niya naalis sa sarili ang kagustuhang maging direktor. “Mula noong kindergarten ako gusto ko na talagang maging direktor,” aniya.

Apat na taon daw nagtagal si Direk Maryo J. sa loob ng seminaryo. “Dinala ko roon yung teatro. In short, ginawa kong dulaan yung kapilya. ‘Yon yung naging playground namin,” saad niya.

Dahi sa ginawa niyang ito, napaalis tuloy siya sa seminaryo. Kuwento niya, “Sinabi sa 'kin ng aking prefect of discipline at guidance counselor na ginulo mo 'yung seminaryo. Mas mabuti sigurong sa labas ka na lang muna."

Pero ayon kay Direk, naintindihan naman siya ng mga taga-seminaryo. "Ang sabi nila sa 'kin, i-pursue ko 'yung craft at saka 'yung desire ko sa pagiging artist sa pag-aaral ng sining at komunikasyon sa pamantasan,” aniya.

Dahil sa pangyayaring ito, natupad ang pangarap ni Direk Maryo J. na maging direktor. Nag-aral siya ng kursong Mass Communication sa University of the Philippines.

Ayon kay Direk Maryo J, hanggang ngayon daw ay naaalala niya pa ang binitawang salita sa kanya ng isang pari bago siya lumabas dito. “Sabi noong pari doon sa seminaryo, you can still evangelize even if you're outside [the seminary],” bahagi niya.

Ang pahayag daw na iyon naging inspirasyon niya kaya’t gumawa siya ng mga pelikulang makapagbibigay ng inspirasyon sa mga manonood tulad ng Magnifico, Bamboo Flowers, at Kamoteng Kahoy.

Bukod pa sa mga pelikula, ngayon naman daw ay inihahandog ni Direk Maryo J. ang isang teleserye na magbibigay din ng inspirasyon sa mga tao. “Niño talks about forfeit, the hopes and aspiration of people who have lost faith in life and in love and in relationships,” saad niya.

Sa huli ng kanyang speech, sinabi niyang masaya raw siya na nabigyan siya ng pagkakataong makagawa ng ganitong klaseng show sa telebisyon. “I'm very happy that I'm given this chance to do this work again, an inspirational project to help in promoting that true faith lies in our hearts. And true love lies also in our own personality,” anang direktor.

Subaybayan ang Niño sa unang linggo nito, weeknights after 24 Oras sa GMA Telebabad. -- Al Kendrick Noguera/Bochic Estrada, GMANetwork.com