Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kwento ng isang ama na nalugmok sa masamang bisyo, tunghayan sa Magpakailanman



Isa lang ang gusto ni Marlon de Leon: ang maging mabuting asawa at mabuting ama. Pero hindi ito ang kapalarang nakalaan para sa kaniya.

Nang ikasal siya kay Jocelyn, ipinangako ni Marlon na gagawin niya ang lahat ng makakaya para maibigay ang lahat ng gugustuhin ng asawa’t magiging anak. Pero nang hindi niya maibigay ang kaniyang pangako, nagsimula nang gumawa ng sariling diskarte si Jocelyn.

Nagawa nitong kumabit sa ibang lalake, at nakuha nitong pumasok sa negosyo ng iligal na droga.

Hindi ito ang buhay na gusto ni Marlon para sa kaniyang pamilya. Kaya imbis na hayaan ang asawa niya na malubog sa maduming mundo ng mga bisyo, siya ang nagpahigop dito. Siya ang naging magnanakaw. Siya ang naging masamang tao. Siya ang nagpakulong.

Sa kaniyang paglaya, inasam ni Marlon na mababago pa niya ang kaparalan ng kaniyang pamilya. Pero sa mga buwan na wala siya ay lalo palang nalugmok ang kaniyang asawa sa mundong pilit na niyang nilalayuan.

Pero paano nga ba niya iiwan ang mahigpit na kapit ng buhay na walang sabit…buhay na walang hirap, at puro pasarap? Ano ang kailangan nilang kahinatnan para tuluyang makalaya at magbago ang kanilang mga buhay?

Itinatampok sina Rocco Nacino at Katrina Halili, sa ilalim ng direksyon ni Maryo J. delos Reyes, sa pananaliksik ni Jonathan Cruz, at sa panulat ni Senedy Que, handog ng Magpakailanman ang kuwento ni Marlon de Leon, isang mapagmahal na tatay, sa “Ama, Ina, Anak.”

Magpakailanman airs Saturday nights after Vampire Ang Daddy Ko.  -- GMANetwork.com