Reklamong perjury at libel ni Sarah Lahbati vs Atty. Gozon-Abrogar, ibinasura
Ibinasura ng Quezon City Prosecutor's Office ang reklamong perjury at libel na isinampa ng aktres na si Sarah Lahbati laban kay GMA Films president Annette Gozon-Abrogar at sa isang entertainment writer.
Sa ulat ng "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing nakasaad sa inilabas na resolusyon ng Office of the Prosecutor na wala silang nakitang "probable cause" upang sampahan si Abrogar kasong perjury.
"'Yong dalawang complaint na [filed] sa fiscal sa Makati, 'yong libel at saka ng perjury, nakatanggap na ako ng resolution dismissing the complaints," pahayag ni Abrogar.
Gayundin, wala ring nakita na mapanirang-puring pahayag si Abrogar at si Marinel Cruz ng Philippine Daily Inquirer laban sa aktres upang sila'y masampahan ng kasong libel.
Naglabas ng artikulo si Cruz sa Philippine Daily Inquirer kung saan hiningian niya ng pahayag si Abrogar kaugnay sa isyu nila ng aktres.
Samantala, ikinatuwa naman ni Abrogar na ibinasura na ang mga reklamong inihain ni Lahbati. Ayon naman sa kampo ni Lahbati, magbibigay sila ng pahayag sa takdang panahon.
"Tatlo na 'yong na-dismiss na complaints niya, so mas marami na akong time to concentrate on things," ani Abrogar.
Noong Oktubbre 2013, ibinasura ng Quezon City Prosecutor’s Office ang kasong grave coercion na isinampa ng aktres laban kay GMA Films president Michael Uycoco, Albert Munoz, Arsenio Baltazar III, Shiela Buendia, at Andrew Dee. — Mac Macapendeg at Rie Takumi /LBG, GMA News