Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ramon Bautista, nilinaw ang tunay na relasyon nila ni Jinri Park


Matapos sabihin ng sexy Korean actress-model na si Jinri Park sa isang panayam na malakas ang dating sa kaniya ni Ramon Bautista, nagpatuloy na ang mga hinala na may namumuong magandang pagtitinginan ang dalawa.

Sa isang panayam kay Jinri sa kabilang network, minarkahan niya si Ramon ng "8" nang tanungin kung gaano ka-attractive sa kaniya ang dating ng TV host-commedian, ayon sa ulat ni Ruel J. Mendoza na lumabas sa Philippine Entertainment Portal nitong Biyernes.

Dagdag ni Jinri, nakilala niya nang husto si Ramon nang magkasama sila sa isang programa sa radyo. Nakikita daw niya ang pagiging smart at funny ni Ramon -- katangian na pasok sa tipo ng lalaki na kaniyang hinahanap.

Katunayan, nabanggit na rin ni Jinri sa isang ulat ng GMA News na willing siyang makipag-date kay Ramon kung aayain siya ng binata.

Sa maikling panayam naman ni PEP associate editor Rommel Llanes kay Ramon nitong Biyernes, "hindi po" ang naging tugon ng komedyante nang tanungin kung may relasyon na sila ni Jinri.

Tungkol naman sa patuloy na pagli-link sa kanila ni Jinri, pabirong reaksiyon ni Ramon: "Nakaka-flatter naman. Ganun po talaga 'pag pogi."

Hindi naman inililihim ni Ramon na may pagtatangi siya kay Jinri. -- FRJ, GMA News

Tags: jinripark