Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mga misteryo at katanungan tungkol kay Malaya, malalaman na sa huling linggo ng 'Indio'


  Nasaksihan natin ang kuwento ni Simeon—mula pagkabata hanggang sa pakikipaglaban niya sa mga mananakop na Kastila maging sa mga diwatang sakim sa kapangyarihan. Sa nalalapit na pagtatapos ng Indio, malalaman na kung ano ang kahihinatnan ng kuwento ng isang lalaking walang tanging hinangad kundi maging isang malaya at magmahal ng tunay sa kanyang pamilya at mga kaibigan. Sa huling linggo ng Indio, maraming kaabang-abang na mga eksena ang dapat na panoorin. Simula Lunes, siksik na siksik ang mga eksenang magaganap. Tiyak na hindi bibitiw ang mga manonood hanggang Biyernes dahil malalaman na ang katapusan ng kasaysayan ni Simeon/Malaya o ni Indio. Maraming mga katanungan ang masasagot sa pagsasara ng aklat ng buhay ni Simeon/Malaya at pati na rin ng mga tauhang naging bahagi ng kanyang paglalakbay. Sadya nga bang wala nang katapusan ang paghahangad ni Juancho ng kapangyarihan ng mga Diwata? Sino sa mga Diwata ang dapat pagkatiwalaan ni Malaya at sino din sa kanila ang tutulong sa kanya upang matupad ang kanyang bugna? Mahanap na rin kaya ni Esperanza ang nawawalang anak na si Antonio? At ano ang gagawin ni Victoria sa pagsiklab ng rebolusyon ng mga katutubo? Makakamit ba ni Bahandi ang pag-ibig ni Magayon? Magkakasundo pa kaya sina Magayon, Sidapa at Burigadang Pada Sinaklang Bulawan? Ano ang magiging pasya nila sa mga kapalaran ng mga tao? Ngunit ang pinakamahalagang katanungan na dapat na abangan ay ang kasagutan kung ano ang mangyayari kay Simeon/Malaya at kung matutupad niya ang bugna na itinakda ng mga diwata. Huwag palampasin ang maaksyon at madramang katapusan ng Indio, sa GMA Telebabad. --Loretta G. Ramirez, GMANetwork.com