Filtered By: Showbiz
Showbiz

Krystal Reyes, Barbie Forteza at Joyce Ching sa pagbabalik ng, ‘Anna Karenina.’


Magbabalik na sa telebisyon ang sinubaybayang TV series mula 1996 hanggang 2002, ang Anna Karenina.  Ang karakter nina Anna, Karen at Nina ay bibigyan-buhay ngayon ng mga Kapuso young stars na sina Krystal Reyes, Barbie Forteza at Joyce Ching.   Sa panayam kamakailan ng Startalk TX sa tatlong bida ng Anna Karenina, inilahad nila ang kanilang naramdaman nang nabalitaan sila ang mapalad na gaganap sa karakter na pinagbidahan noon nina Antoinette Taus, Sunshine Dizon at Kim Delos Santos.   Ani Krystal, na gaganap bilang Anna, “Nakaka-pressure kasi ‘di ba po, sobrang tagal ng Anna Karenina dati and sobrang thankful kasi nakasama kami sa cast.”   Makakatambal ni Krystal si Julian Trono, na gaganap bilang Brix, na ginampanan naman noon ni Dingdong Dantes.   Si Barbie naman, hindi raw inaasahan na sa kanya ipagkakatiwala ang karakter ni Karen, na ginampanan noon ni Sunshine Dizon.   “Nagulat ako talaga. Hindi ako makapaniwala na sa akin ibibigay yung role ni Karen. Pero super excited ako kasi nga new challenge siya para sa akin kasi parang sa lahat ng roles na ginampanan ko, ito yung talagang masasabi kong iba,” ayon kay Barbie. Makakatambal muli ni Barbie si Derrick Monasterio, na nakasama din niya noon sa Paroa: Ang Kuwento ni Mariposa. Gagampanan ni Derrick ang papel ni Vincent, na ginampanan noon ni Polo Ravales.   Bibigyang buhay naman ni Joyce ang karakter ni Nina, na ginampanan noon ni Kim.   “Sobrang saya ko po nung nabalitaan ko nga na kasama ako sa Anna Karenina. Tapos nalaman ko pa na ako si Nina; hindi na ako kontrabida na sobrang kontrabida. Natuwa po talaga ako, sobra, at saka siyempre medyo na-pressure na rin kasi nga sobrang haba ng run ng Anna Karenina noon,” ayon sa aktres.   Si Hiro Magalona naman ang makakapareha ni Joyce Ching sa proyektong ito, na nakatrabaho niya dati sa Tween Hearts.   Gagampanan ni Hiro ang karakter ni Bryan, na isinabuhay naman noon ni Dino Guevarra.   Huwag palampasin ang Anna Karenina, na magsisimula na ngayong Hunyo sa GMA Telebabad. -- Samantha Portillo, GMANetwork.com