Filtered By: Showbiz
Showbiz

Panayam kay Marian Rivera tungkol sa paghiwalay niya sa kanyang manager


"Hindi ko hahayaan ang sinuman na sabihin na wala akong utang na loob kay Popoy," ito ang sinabi ni Marian Rivera sa hiwalayan nila ng kanyang dating talent manager. Isang press conference ang ipinatawag ng APT Entertainment, Inc. kung saan ang ipinadalang text-invite sa imbitadong media ay may nakasaad na “very important announcement.” Ginanap ang press conference [noong Biyernes] sa Luxent Hotel sa may Timog Avenue, Quezon City. Halos lahat sa entertainment press ay nagulat nang malaman na ang announcement na iyon ay ang pagiging isa nang talent ng Triple A (AAA) ng Primetime Queen ng GMA-7 na si Marian Rivera. Ang AAA ay ang talent arm ng APT Entertainment na pinamamahalaan ng TV and film executive na si Mr. Tony Tuviera. Bungad ni Marian sa media, “Alam ko nagulat kayo, pero lahat 'yan, sasagutin ko.” PARTING WAYS. Agad ding kinumpirma ni Marian na umalis na siya sa poder ng manager niyang si Popoy Caritativo. Aniya, “Opo, wala na ako kay Popoy at under na po ako sa Triple A na pag-aari po ni Mr. Tuviera.” Ayon pa sa aktres, "nagbabalik" lang siya sa taong nakadiskubre at unang nagbigay sa kanya ng break. “Siyempre, hindi naman lingid sa kaalaman ninyo na galing ako kay Mr. T [bansag kay Mr. Tuviera]. Siguro, nagbabalik lang ako kung saan ako nagmula." Si Mr. Tuviera ang unang nagbigay ng break kay Marian sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng lead roles sa afternoon soaps noon ng APT Entertainment na ipinalabas sa GMA-7: Kung Mamahalin Mo Lang Ako (2005), Agawin Mo Man Ang Lahat (2005), at Pinakamamahal (2006). Nang tanungin kung ano ang dahilan kung bakit kumalas siya sa poder ni Popoy ay tumangging magbigay ng detalye si Marian. Saad niya, "Para sa akin, napaka-unfair naman kung idedetalye ko nang buo ang nangyari sa amin ni Popoy. “Siguro sabihin na lang natin na parehas kaming nag-agree sa isa’t isa na mas mabuti na maghiwalay na kami. "Siguro ano, hindi na nagiging productive ang relationship namin bilang talent at manager.” Nagkaroon ba sila ng samaan ng loob? “Ay wala… siguro hindi naman maiiwasan na magkatampuhan. Kasi for seven years, ang daming nangyari, hindi ko 'yan maiaalis. "Pero sa akin, sinabi ko lahat ang saloobin ko sa kanya. At maluwag niya yung tinanggap. “Isa lang ang sinabi niya: 'Rerespetuhin ko kung ano ang ninanais mo.'” Kailan pa niya binalak na umalis sa pamamahala ni Popoy? Sagot ni Marian, “Matagal na, matagal na matagal na panahon na. "Siguro, ito na yung tamang panahon. "Alam ninyo, naghintay rin naman ako. "Siguro, hindi ito madaling desisyon. "Pinag-isipan ko ito ng hindi isa, dalawa, tatlo... maraming beses.” THROUGH A LETTER. Pahayag pa ni Marian, ang naging paghihiwalay nila ng landas ni Popoy ay idinaan niya sa pamamagitan ng isang liham. “Ang paghihiwalay, sumulat ako ng letter sa kanya. "Lahat ng saloobin ko, lahat ng hindi niya nalalaman tungkol sa akin, sinabi ko lahat yun sa sulat—at doon nagsimula. “After the sulat, nag-text siya agad sa akin. 'Marian, na-receive ko ang letter mo.  Kung 'yan ang desisyon mo, rerespetuhin ko yan.'” Pero bakit hindi sila nag-usap nang personal? “Actually, hiniling niya na gusto niya akong makausap. "Pero sabi ko kasi, 'Poy, parang hindi ko pa yata kayang humarap sa ‘yo.' "Siyempre, seven years din kaming nagkaroon ng samahan at, sabi ko nga, medyo masakit din kasi ang nangyari sa akin, sa mga pinagdaanan ko. “So, siguro in time... hindi ko sinasarado ang pintuan ko. In time, ako mismo ang makikipag-usap sa kanya.” Pero nilinaw ni Marian na walang anumang away na naganap sa pagitan nila ng dating manager. Aniya, “Walang away na naganap, para iklaro ko 'yan.” May nagtanong kung pera ba ang dahilan ng kanilang paghihiwalay ng landas, na kadalasang rason ng away o pagtatapos ng relasyon ng isang manager at isang talent. Tugon ni Marian, “Hindi naman... talagang meron lang hindi pagkakaintindihan. "At saka, ang pangit naman kasi sa akin na magdetalye at parang napaka-unfair naman para kay Popoy na sabihin ko yung side ko. “Siguro mas maganda kung sa aming dalawa na lang yun at hihingin ko po ang respeto na yun para sa inyo.” FREEDOM. Pero ano ang isang “major reason” kung bakit sila naghiwalay o kung bakit siya umalis sa poder ni Popoy? Sabi ni Marian, “Siguro po, sa ngayon, magagawa ko na ang gusto kong gawin sa buhay ko na ako ang magdedesisyon para sa sarili ko." Iginiit ng aktres na hindi pera ang dahilan ng paghihiwalay ng landas nila ni Popoy. “Ay naku, yung mga pera, kontrata, commercials, e, ayokong pag-usapan ang lahat ng 'yan. "Ang pangit lang sabihin na kaya nga ako nagtatrabaho because of money. "Para kung anuman ang pinagtatrabahuhan ko, ma-extend ko 'yan sa pamilya ko, sa sarili ko, pero hindi isyu sa akin ito. “Ang isyu sa akin, yung maging malaya ako sa mga gusto kong gawin.” Paliwanag pa niya, “Kasi from day one, pumasok ako sa showbiz na probinsiyana. May konting alam sa buhay. "Pero habang nagdadaan ang mga panahon, siyempre natututo rin ako. "Pero sa lahat ng panahon na yun, si Popoy kasi ang nagde-decide ng bawat projects na ibinibigay sa akin. “Siya ang nagde-decide kung ano ang gusto kong gawin, kung saan pupunta, kung saan uupo. "So ngayon, na agree kami sa bawat isa, na maghiwalay kami. "Ito na ang freedom para sa akin. "At isa lang ang taong naisip kong puntahan para makuha ang freedom na yun. “Walang iba kung hindi si Mr. T, Mr. Tony Tuviera, na tatay ko, pinagmulan ko... kasama ang team ng Triple A.” Dahil nabanggit ni Marian ang salitang “freedom,” pinagbigyang-linaw sa kanya kung nasakal ba siya kay Popoy. Sagot ng Caviteña na aktres, “Siguro hindi sakal. Siguro, hindi ko rin naman masisisi si Popoy. "Nanggaling nga ako sa probinsiya, walang alam. Siguro siya ang nagde-decide at nasanay lang ako na siya ang nagde-decide ng lahat ng bagay sa akin. "Hindi ko rin siya masisisi. “At siguro, sabihin na lang natin na marami pa rin akong gustong gawin sa buhay ko. "Alam ninyo po yun, kakaiba naman, parang kakaiba naman. "At sa tingin ko, wala naman akong nakikitang masama. Seven years din naman kaming nagsamang dalawa. "At hindi rin naman iba ang pinuntahan ko, ang sarili ko ring tatay ang pinuntahan ko,” pagtukoy ni Marian kay Mr. Tuviera. PERSONAL MATTER. Tinanong ng PEP kay Marian kung ang sinasabi niyang marami siyang hindi magawa ay may koneksiyon din sa personal niyang buhay. Matama munang nag-isip ang Kapuso actress at sinabing, "Well, paano ko ba sasabihin 'to? "Well, kasi nga, hindi ko rin masisisi si Popoy. Noong makuha niya ako na probinsiyana... parang nasanay na ganoon ang istilo. "So ngayon na may isip na ako, ngayon ko naiisip na, 'Ay, bakit hindi ganito? Hindi ganoon.' "Ayoko namang kontrahin ang mga desisyon niya sa akin bilang may respeto ako sa kanya. "Hindi kasi nagiging produtive ang relationship naming dalawa. "Yun kasi ang nakasanayan naming istilo. "Ngayon, gusto ko naman na tatanungin ako at ako ang magde-decide." May kontrata ba sila ni Popoy? “Contract, to be honest, wala kaming kontratang dalawa,” sabi ni Marian. “At siya mismo ang may sabi na sa lahat ng alaga niya, kung gustong umalis, anytime, free – free na umalis.” CRYING OVER HER DECISION. Bagamat ang ipinakita ni Marian sa ginanap na press conference ay larawan ng kaligayahan, hindi naman itinanggi ng aktres na iniyakan niya ang mga nangyari. "Oo naman, sobra. Kilala ninyo naman ako na napaka-transparent na tao. "Kung ano ang nakikita ninyo sa akin, yun na yun. "Never akong nagpanggap sa inyo at alam ninyo yun. "Iniyakan ko ng maraming beses. Pinag-isipan ko ng maraming beses. "At nakatutuwa lang na yung nangyari sa amin, hindi naging mabigat... na ipitan, galitan, away—walang nangyaring ganun sa amin ni Popoy. "Kumbaga, nagdesisyon kami na kaming dalawa ang nag-agree na maghiwalay kaming dalawa. "So, nirespeto namin ang bawat isa." Tila nakahanda naman na si Marian sa posibilidad na may magsabi sa kanya na "walang utang na loob" o "ingrata." Aniya, "Yes, ine-expect ko na 'yan na may magtatanong sa akin. "Pasensiya na kayo pero ang salitang utang na loob e malaking salita, at hindi ko hahayaan ang sinuman na sabihin na wala akong utang na loob kay Popoy. "Dahil for seven years na pinagsamahan namin, napakabait kong alaga sa kanya.  Minahal ko siyang totoo. Nagtiwala ako nang sobra sa kanya. "So, yung term na utang na loob, naniniwala ako na may utang na loob ako sa ibang tao... "Maliban lang siyempre sa Diyos, pero isasama ko diyan Mama ko, Papa ko, lola ko, at higit lalo kay Mr. T. "Si Mr. T ang naka-discover sa akin at siya ang nagbukas sa akin ng pinto para matupad ko ang tinatawag na destiny sa buhay." THE TALK. Nagkausap na ba sina Mr. Tuviera at Popoy? Sabi ni Marian, “To be honest, gustong kausapin ni Tatay si Popoy na kasama ako. "Pero ang sabi ko kay Tatay, 'Tatay, hindi pa po ako handa.' "Kasi, hindi naman po madali para sa akin na sabihin kay Tatay. “Siyempre, pinag-isipan ko ito ng mahabang panahon. "Malaki ang naitulong sa akin ni Popoy for seven years at hindi ko maikakaila 'yan. "Kung ano ang meron ako ngayon, lahat 'yan naitulong niya sa akin at never kong tatanggalin sa buhay ko.” Nang lumapit siya kay Mr. Tuvuera, tinanggap ba siya nito agad? Sabi ni Marian, "To be honest, hindi kasi dumating sa point na, 'Tay, i-manage ninyo ako.' Hindi ganun. "Lumapit ako kay Tatay, kasi may problema ako. "Tapos sabi niya, 'Anak, anytime. Kailan ka puwede?' "Sabi ko, 'Kayo po, Tay?' "Sabi niya, 'Today.' "Ora mismo pinuntahan ako ni Tatay. Nag-usap kami, lahat-lahat pinag-usapan namin. "Hanggang ending, sabi niya, 'Basta anak, susuportahan kita kahit ano'ng mangyari dahil mahal kita.' "So, parang naisip ko, saan pa ba ako babalik kung hindi sa pinagmulan ko at doon sa taong nag-open sa akin ng pinto para maging si Marian Rivera." HARDEST DECISION. Tila sa buong showbiz career ni Marian, ito na yata ang maituturing na pinakamahirap na desisyon na ginawa niya. Pero kanino niya ito unang sinabi? “Una kong sinabi ang desisyon ko sa pamilya ko. Siyempre, kilala nila si Popoy. "Si Mama kasi, matagal na diyan. At si Mama kasi ang parang naging best friend ko na sinasabihan ko ng lahat-lahat sa akin. “So, napagkasunduan namin na ganoon na ang magiging desisyon ko. “Of course, after that, nag-open-up ako kay Dong," pagtukoy ni Marian sa kanyang boyfriend na si Dingdong Dantes. "At si Dong, in fairness kay Dong, ang sabi niya lang sa akin, 'Ikaw, kung ano ang gusto mong gawin sa buhay mo at feeling mo, makakabuti sa ‘yo, bilang tao, bilang artista, gawin mo 'yan, nasa likod mo lang ako.'” Wala bang impluwensiya ni Dingdong ang desisyon niya? "Wala, 'yan ang lilinawin ko. Walang sinuman ang nag-impluwensiya sa akin sa bawat desisyon ko. "Diyos ko, ang laki-laki ko na! Bakit may magdedesisyon na ibang tao? "Masaya ako dito at looking forward ako kay Tatay sa gagawin sa akin." "STILL FRIENDS? Masasabi ba ni Marian na kaibigan pa rin niya si Popoy, sa kabila ng paghihiwalay nila ng landas? “Kaibigan? Siyempre ako, kahit na anong mangyari, thankful ako sa mga naibigay niya sa akin. "And yes, Popoy and Marian for seven years, yung napagsamahan namin, hindi na mabubura sa akin.” Pero pagkatapos ng pitong taon, magkaibigan pa rin ba sila ngayon? Sagot ni Marian, “Well, ayoko namang magpaka-ipokrita sa harapan ninyo. "Hindi ko siya kaaway at palagi kong sasabihin na thankful ako sa mga naibigay niya sa akin. "Kahit na anong mangyari, ako si Marian Rivera na inalagaan niya for seven years. “At kahit na anong mangyari, naging manager ko siya, kaibigan ko siya at Momsie ko siya.” Dugtong din niya, “Ako, kaibigan ko siya; for sure, siya rin. "Sa pagkakakilala ko naman kay Popoy, alam ko naman na mahal niya ako, e.” Sa pag-alis ni Marian, ang mga natitirang talents ni Popoy sa Luminary Talent Mangement ay sina Dennis Trillo, Janice de Belen, Martin Escudero, AJ Dee, Tom Rodriguez, at Rafael Rosell. Hindi raw nakapagpaalam o nakapagsabi si Marian sa mga kasamahan niyang artista sa Luminary. Katuwiran ni Marian, "Ayokong pangunahan si Popoy. Gusto ko manggaling kay Popoy bilang respeto sa kanya. "Gusto ko, siya na ang magsabi sa mga talents niya. "Bilang respeto lang, si Popoy muna ang mauna sa mga talents niya." Ano ang eksaktong nararamdaman niya ngayon? "Well, mixed emotions ako dahil siyempre, nagkahiwalay kami ni Popoy but, at the same time, masaya ako sa desisyon ko. "Masaya ako na may mga bagay akong matutunan. May mga bagay akong mae-explore sa sarili ko. "Tapos nakakita ako ng mag-aalaga sa akin nang lubos-lubos talaga." Ngayong nasa pangangalaga na siya ni Mr. T., ano ang puwedeng asahan na bago niyang gagawin? "Well, bilang ito pa lang ang inaayos namin and soon, magkakaroon kami ng meeting, ilalatag nila ang lahat ng plano nila sa akin. "At gayundin, ako muna ang magsasalita kung ano ba ang gusto ko bilang si Marian Rivera." — PEP.ph