Filtered by: Showbiz
Showbiz

Katherine Luna, may bagong pag-ibig; tanggap daw ng lalaki kahit may lima na siyang anak


Matapos ang ilang bigong pag-ibig, inihayag ng dating star ng indie film na Babae sa Breakwater na si Katherine Luna, na masaya siya ngayon dahil nahanap na niya ang lalaking gusto niyang makasama habang buhay. Sa artikulong isinulat ni Arniel C. Serato para sa Philippine Entertainment Portal,  sinabing ipinakilala ni Katherine sa unang pagkakataon sa Ang Latest Uplate: Holy Week Special ng TV5 ang kanyang half-Italian, half-Filipino boyfriend na si Alessandro Lezio. Kwento ng aktres, nakilala niya si Alessandro sa Zamboanga nang minsan nag-show siya doon. Nagtatrabaho daw ang binata sa isang restaurant kung saan niya ito nakilala. Matapos na magkapalagayan ng loob, pinili ni Katherine na mag-stay na muna sa Zamboanga ng ilang buwan kung saan araw-araw na silang nagkikita ng lalaki. Noong una ay dini-discourage daw ng aktres si Alessandro dahil mayroon na nga siyang limang anak mula sa mga lalaking dati niyang minahal. Bukod dito, mas bata ito sa kanya. Panoorin: Katherine Luna ready to show kid to Coco Martin Pero naging masigasig umano ang 26-anyos na si Alessandro sa panliligaw hanggang sa nag-propose na daw ito sa kanya. Ikinuwento naman ni Alessandro na hindi niya agad nalaman na artista si Katherine nang una niya itong makilala sa restaurant.  Nagtataka umano siya nang makita niya na maraming nagpapakuha ng larawan sa aktres. Unang pagkakita pa lang umano niya kay Katherine ay nagkagusto kaagad siya dito: “The moment I saw her, I know she is the one. I saw her, and she’s the type of girl that I like. Of course, when she starts to talk, how she thinks, finally she was with me and Zamboanga.” Idinagdag ng binata na naipakilala na raw niya si Katherine sa kanyang pamilya at wala naman daw naging problema. Dahil kay Alessandro, handa umano si Katherine na tuluyang iwan na ang showbiz kapag inaya siya ng binata na magpakasal at manirahan na sa Italya. - FRJ, GMA News

Tags: katherineluna,