
Sa nalalapit na pagwawakas ng Kapuso Primetime teleserye na "Pahiram ng Sandali," inihayag ng award-winning actor na si Dingdong Dantes ang kanyang paghanga sa mga katrabaho sa nabanggit na serye. Sa ekslusibong panayam ng
StarTalk TX nitong Sabado, sinabi ni Dingdong na, “Very blessed po ako na makasama ang mga napakagaling na artista. I believe na itong show na ‘to, pinakita nila ‘yung best nila and they were at their best during Pahiram ng Sandali so congratulations sa inyo." Dagdag pa ng aktor: "Ang dami ko ring natutunan sa kanila at hangang-hanga po ako sa kanila.” Isa umano sa mga natutunan dito ng aktor ay ang maging mas propesyunal sa kanyang trabaho. “Natutunan ko talaga na mas maging professional sa trabaho ko, at natutunan ko na mas mahalin ang trabaho ko dahil nakikita ko how they do it, how much they value their work," paliwanag niya. Samantala, hindi lamang si Dingdong ang may magagandang karanasan sa nasabing palabas kungdi maging ang mga katrabaho niyang sina Max Collins at Neil Ryan Sese. Kuwento ni Max, “Feeling ko po, nag-mature ako. Acting-wise, marami po akong natutunan. Yung matututunan ko sa loob ng 10 years, natutunan ko sa isang teleserye.” Dagdag pa niya, “Not only has it been such a wonderful experience working with a powerhouse cast, and with Direk Maryo J. Delos Reyes, but personally, marami po akong natutunan sa kuwento. Kahit na nagkamali ka man, there’s always a time for forgiveness and a second chance.” Para naman kay Neil, isang karangalan daw ang makatrabaho ang ilan sa malalaking pangalan sa industriya ng showbiz sa bansa lalo na kay Mark Gil, na gumaganap bilang ama nito sa palabas. “Sobrang cool siya, sobrang professional at sa kuwentuhan, walang problema. Tapos, marami kang matututunan sa kanya,” saad ni Neil. Maging sa karakter na kanyang ginampanan sa serye ay mayroon umanong natutunan si Neil. “Natutunan ko na magmahal, siyempre. Natutunan ko na lahat naman ng tao nagkakamali, pero after mo magkamali, kailangan bangon ka lang, tuloy tuloy lang yung buhay, ‘di ba,” paliwanag niya. Gayunpaman, marami pang kaabang-abang na mga eksena na hindi dapat palampasin sa huling linggo ng "Pahiram ng Sandali." “Lahat ng bawat character, dumaan sa pagkakamali at kailangan nilang abangan kung anong gagawin nila para ma-resolba ‘yung mga pagkakamaling iyon,” ayon kay Dingdong. -
Mac Macapendeg/Samantha Portillo/FRJ, GMA News