Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ang buhay ng Int'l Children’s Peace Prize awardee na si Kesz Valdez sa Magpakailanman


Sa masalimuot na mundo ng libu-libong mga batang-kalye, pero may isa sa kanila ang bukod-tangi, ang 2012 International Children’s Peace Prize awardee na si Kesz Valdez. Walang pinagkaiba si Kesz sa ibang mga batang-kalye na ipinanganak at lumaki sa tambakan ng basura. Tulad ng mga kasamahan sa landfill, isang kahig at isang tuka ang pamumuhay ng kaniyang pamilya. At kapag walang kita, napagbubuntungan siya ng galit ng kaniyang ama. Pero kahit ganoon pa man, hindi nawawalan ng pangarap si Kesz: ang yumaman, makaalis sa lugar na kinalakihan, at mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang ina at mga kapatid. Magbabago ang buhay ni Kesz sa isang gabi nang malagay sa peligro ang kanyang buhay. Dahil wala silang perang pampagamot, mapipilitan lumapit ang kaniyang ina kay Teacher Bonn, isang mapagmalasakit na teacher sa kanilang lugar. Dahil sa kondisyon ni Kesz, mapipilitan ang ina niyang iwan siya kay Teacher Bonn. Inakala ni Kesz na babalikan siya ng kanyang ina kapag magaling na siya. Laking gulat nito nang hindi na muling magpakita pa ang kanyang ina. Naisip kasi nito na mas magiging maganda ang buhay ni Kesz kung tuluyan na itong mamumuhay sa piling ng guro. Sa una ay hindi matatanggap ni Kesz ang bagong buhay. Hindi niya gusto ang mawalay sa ina, kahit gaano pa man kabuti ni Teacher Bonn sa kaniya. Dahil sa laking kalye si Kesz, may mga nakasanayan rin siyang hindi madaling talikuran. Kabilang na rito ang pangungupit, na siyang gagawin niya kay Teacher Bonn. Ganoon pa man, hindi magagalit si Teacher Bonn. Bagkus ay uunawain pa niya ang lagay at pinanggagalingan ng bata. Ito ang magiging turning point sa buhay ni Kesz, kung saan niya makikita na hindi lahat ng tao ay makasarili—na may mga taong may tunay na malasakit sa kapwa. Pero paano nga ba tuluyang tatalikuran ni Kesz ang nakasanayan? Paano niya itutuwid ang landas niyang matagal nang binaluktot ng buhay? Ilan lang ‘yan sa mga kuwentong sasagutin sa aming pagtatanghal ng life story ni Kesz Valdez, ang International Children’s Peace Prize awardee noong 2012, sa natatanging pagganap ni Vincent Magbanua (Indio) bilang Vincent, at Benjie Paras bilang Teacher Bonn. Huwag kalimutang tutukan ang Magpakailanman, ngayong Sabado, pagkatapos ng Kap’s Amazing Stories.- GMANetwork.com