Kakaibang Manny Pacquiao ang matutunghayan sa
Para Sa’yo Ang Laban Na ’To, kung saan makikinig sa mga kuwento at magbibigay ng payo ang Pambansang Kamao sa mga taong nawawalan ng pag-asa sa laban ng buhay. Makakasama ni Pacquiao sa naturang programa ang aktres at
Personalan host na si Jean Garcia. “Hindi lang tayo nagbibigay ng tulong, siyempre, nagbibigay din tayo ng advice, sine-share natin ang word of wisdom at magbibigay ng pag-asa. Gusto ko ito," paliwanag ni Pacquiao, kongresista ng Sarangani. Nang tanungin naman si Pacquiao kung ano ang nadarama niya sa pagkakaroon ng ganitong klaseng programa, para sa kanya, “Masarap yung feeling na ma-share ko pati yung mga naranasan ko at malaman natin yung kuwento ng bawat pamilya. “ Marami ring malalaman ang mga manonood tungkol sa buhay ni Pacquiao dito. “Malalaman nila ang buhay ko, buhay namin ng family ko, kung ano ang mga pinagdaanan ko bago ako nakarating dito sa kinalalagyan ko. Marami silang aral na matututunan," paliwanag ng Pinoy boxing hero. Masayang masaya naman si Jean na maging bahagi ng programa at makasama si Pacquiao. “Ang makasama ang isang Manny Pacquiao sa isang show, ni sa panaginip hindi ko naisip na makakatrabaho ko siya. It’s really an honor and masaya ako dahil pinagkatiwala nila sa akin ang ganitong klaseng show," wika ng aktres. Ang konsepto ng programa ay medyo kakaiba kaysa sa mga karaniwang talk show. Sa pagpapaliwanag ni Ms. Jean: “Lahat ng experiences ng ating mga case studies ay ia-associate sa buhay ni Manny tapos siya ang magbibigay ng inspirasyon sa kanila kung papaano nila aayusin iyong buhay nila ngayon." Katulad ni Pacman, magbibigay din ng sariling payo at saloobin si Ms. Jean sa programa. “Marami na rin akong na-experience. Pero sabi nga nila, laban lang sa buhay, huwag magpapatalo. Kapag punong puno ka ng pagmamahal, punong puno ka rin ng blessings for sure," ayon sa aktres. Mapapanood na ang
Para Sa’Yo Ang Laban Na ‘To simula Pebrero 3 sa GMA. -
Samantha Portillo, GMANetwork.com