Regine Velasquez, nagpasalamat sa matagumpay na Silver Anniversary concert
Mas pinalaki at talaga namang pinaghandaan ang muling pagsabak ng Asia's Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid sa entablado sa kanyang Silver Anniversary rewind concert na ginanap sa SM Mall Of Asia Arena sa Pasay City noong Sabado. Ayon sa ulat ni Cata Tibayan sa Balitanghali nitong Linggo, masaya ang diva sa kinalabasan ng rewind concert. Matatandaang naluha sa entablado si Regine noong Nobyembre nang hindi lumalabas ang kanyang boses dahil masama ang kanyang pakiramdam dulot ng virus na nakaapekto sa kanyang pag-awit. Kaya naman sa ginanap na silver rewind concert, todo birit at taas-noo ang diva sa opening number kung saan ipinamalas niya ang kanyang galing sa pag-awit sa pagkanta niya ng "Shine." Naging maganda rin ang responde sa kanya ng mga tagahanga na mula sa paglabas niya hanggang sa pagtapos ng gabi ay walang tigil sa paghihiyawan. Maliban dito, nagpasalamat din si Regine dahil binigyan siya muli ng pagkakataon na pagandahin ang kanyang Silver Anniversary concert. Aniya, "I'm overwhelmed and I feel very happy of course na for the second time nandito ulit, dumating ulti yong mga tao at sana kahit papaano na-entertain sila at natupad ko yong pangako ko sa kanila." Sa nasabing concert, todo rin ang mga sorpresa tulad nang pagrap nina KC Montero at Gloc 9 at sabay-sabay na pagbirit sa entablado ng Kapuso divas na sina Jaya, ang grupong La Diva, at si Rachel Ann Go kasama si Regine. Maliban dito, ipinamalas din ng mister ni Regine na si Ogie Alcasid kasama si Janno Gibbs at ang makulit na comic duo na sina Jose Manalo at Wally Bayola ang kanilang pagtanghal ng "Oppa Gangnam Style." Samatala, hindi rin pinalampas ng ilang artista at kilalang personalidad ang concert ni Regine. Present sa gabing iyon sina Richard Gomez kasama ang maybahay nitong si Cong. Lucy Torres-Gomez, Eugene Domingo, Marjorie Baretto, Iza Calzado, Fanny Serano, direk Laurice Guillien, ang Do Re Mi co-star ni Regine na si Mike Cojuanco, at marami pang iba. Gayundin, kung meron daw siyang natutunan sa mga piangdaanang pagsubok, ito ay ang magtiwala sa Diyos at unahin Siya sa lahat ng pagkakataon. "It was always been about Him, about God, so this show really was a thanksgiving. So, nakalimutan ko yon the first time but now I made sure na hindi. Thank you, Lord for giving me this chance to be able to perform again," saad ng songbird. Mapapanood ang buong concert ni Regine sa Enero 27, Linggo ng gabi sa Sunday Night Box Office ng GMA-7. — Mac Macapendeg/BM, GMA News