Filtered by: Showbiz
Showbiz
Mga bidang artista sa MMFF, dumalo sa float parade sa Maynila
By MAC MACAPENDEG, GMA News
(Updated 5:58 p.m.) Dinaluhan ng mga naglalakihang artista ang taunang paradang ginanap nitong Linggo na nagsimula sa Quirino Grand Stand sa Maynila. Kasama rito ang mga bida sa mga pelikulang pasok sa 38th Metro Manila Film Festival. Ayon sa Twitter post ng MMDA, "Parade starts in front of the Quirino Grandstand left turn at T.M. Kalaw, right turn to Roxas Blvd., right turn at Buendia Avenue, left at Macapagal Avenue, right at Seaside Blvd., left at Jose Diokno Blvd., right at Harbor Drive, drop off point at Block 21 within SM MOA Grounds."
Tampok sa parada ang walong floats ng mga pelikulang pasok sa MMFF ngayong taon kabilang na ang "Sosy Problems," "si Agimat, si Enteng Kabisote, at si Ako," "El Presidente," "Sisterakas," "The Strangers," "Shake, Rattle, and Roll 14: The Invasion," "One More Try," at "Thy Womb." Kaya naman, talagang hindi pinalampas ng mga tagahanga ang maningning na paradang ito na marka ng opisyal na pagsisimula ng MMFF. Ayon sa ulat ni Steve Dailisan sa Balitanghali nitong Linggo, 30,000 katao ang inaasahang dadalo na naghintay mula sa Quirino Grandstand hanggang sa Mall of Asia grounds upang makita ang kanilang mga paboritong artista. Gayundin, may dalawang pelikula mula sa GMA, ang "Si Agimat, si Enteng, at si AKO" at ang "Sosy Problems." Si Agimat, si Enteng, at si AKO Ang unang float na pumarada ay para sa pelikulang "Si Agimat, si Enteng, at si AKO" kung saan kumpleto ang cast na sina Senator Bong Revilla Jr., Vic "Bossing" Sotto, Judy Ann Santos, Sam Pinto, Gwen Zamora, at ang bagong child wonder na si Ryzza Mae Dizon na suot-suot pa ang kanilang mga costume. Sa ulat ng H.O.T. TV nitong Linggo, inaasahan ng mga bida ng pelikula na hahatak sa takilya ang kanilang engrandeng pelikula. Si Juday naman, masaya sa unang pagsasama nila nina Bossing at Sen. Bong. Aniya, "Masaya. Masaya talaga. Wala akong masabi sa pagiging professional nila, sa pagiging mabait nilang tao at saka sa talagang ano sila, very down to earth, kaya that's why they are kings in their own way. Kasi talagang napakabuti nilang mga tao." Gayundin, wala namang ekspektasyon ang aktres bagkus ang nais nito ay magkaroon ng magandang pagtanggap at maging masaya ang mga manonood sa pagnood ng kanilang pinaghirapan at pinaggastusang pelikula. Maliban dito, inaasahan din ni Sen. Bong na makuha nila ang award para sa Special Effects, Best Actress para sa kasamang si Juday, at iba pa. Gayundin, tiwala naman sila na maging number one sa Box Office ang kanilang pelikula. Sosy Problems Sa hiwalay na ulat ng H.O.T. TV, naroon din ang float at cast ng "highly controversial" MMFF entry na "Sosy Problems" kasama ang apat na bida ng pelikula na sina Bianca King, Rhian Ramos, Solenn Heussaff, at Heart Evangelista. Wika pa ni Rhian, "It's so hot but we really feel hot too because they're [fans] giving us their love, sobrang na-appreciate namin." Maliban dito, kilalang kilala rin ang mga bidang Kapuso stars bilang mga sosyal na artista sa bansa. Gaano naman kaya nila nasasalamin ang kanilang ginampanang papel? Wika pa ni Solenn, "One percent. One percent lang. Hindi ako yan. Yong character ko iba talaga siya. Medyo bobo, tanga tanga, pero very funny mabait naman na tao. So yon ang one percent, yong mabait." Ang "Sosy Problems" ay isang parody tungkol sa apat na magkakaibigang babaeng mga sosyal ngunit may kanya-kanyang problema sa sarili. Ayon pa kay GMA Film President, Atty. Annette Gozon-Abrogar, "Isa siyang parody. Talagang bagong comedy siya na refreshing. Pinagtatawanan ng mga babae yong mga sarili nila dito, in their characters. So yong concept niya, pinapakita natin yong mga pagkaspoiled nila, kung gaano sila ka-weird. Pero pinapakita natin ito in a very very funny and enjoyable way." Gayundin, umaasa naman ang mga bida ng palabas na maging maganda ang pagtanggap ng kanilang pelikula. Ani Bianca, "Hope for the best. Basta nag gusto lang namin sabihin sa kanila, sana yong mga manonood walang expectations, sana go inside the movie house isipin niyo lang na mawala yong mga problema niyo sa katatawa. But siyempre naman, we hope na sana suportahan ng mga fans namin yong pelikula because it's really a movie for the whole family," saad ni Bianca. Mapapanood sa mga sinehan ang mga pelikulang pasok sa MMFF ngayong Disyembre 25, 2012. Ang "Sosy Problems" ang official entry ng GMA Films. — LBG/BM, GMA News
![](http://www8.gmanews.tv/webpics/v3/2012/12/MMFF.jpg)
38th Metro Manila Film Festival Parade of Stars Dec. 23, 2012. Danny Pata
Tags: mmff, mmffparadeofstars
More Videos
Most Popular