Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mga anak ni Manny Pacquiao, tinawagan niya mismo upang kamustahin


Ang Pambansang Kamao na si Manny "Pacman" Pacquiao raw mismo ang tumawag sa kanyang apat na anak upang sabihing maayos na ang kanyang pakiramdam matapos mapataob ng kalabang si Juan Manuel Marquez. Wika pa ni Jinkee Pacquiao sa panayam ng H.O.T. TV nitong Linggo, "Actually si Manny yung unang tumawag sa kanila. Ako parang hindi ko kayang marinig silang nalulungkot o umiiyak, so siya yung unang tumawag." Kwento pa nito, ang mga anak niyang babae pa ang mas matapang kumpara sa dalawa nitong anak na lalaki. Aniya, "'Yung babae pa nga ang medyo matapang. Sabi nila, 'okay lang yan, ganyan. Gusto ko happy ka.' Sinabi ng girls ko, pero yung dalawang lalaki, medyo galit." Dagdag pa nito, "Kasi sabi ng yaya, binato raw yung TV yung pangalawang lalaki, si Michael, pagkatapos ng fight." Gayundin, hindi na raw gaano pang nagsalita ang mga anak nito matapos nilang makausap ang kanilang ama. Nagpapasalamat na lang daw sila dahil maayos ang kalagayan nito. "Yung pagtawag ni Michael, hindi sila masyadong nagsasalita kasi alam kong nalulungkot sila, ganon, pero okay naman si Manny, sinabi niya 'I'm okay' tapos kinakamusta rin 'Okay ka lang, Daddy?' sabi," saad nito. Samantala, nakatakdang umuwi sina Jinkee at Manny sa Disyembre 10 (oras sa US) ngunit pinag-iisipan pa raw nila kung tutuloy siya dahil payo ng kanilang doktor na magpahinga pa ng husto si Pacman. — Mac Macapendeg/BM, GMA News