Filtered by: Showbiz
Showbiz

GMA Network, nananatiling una sa ratings sa buwan ng Agosto


Maganda ang pagtatapos ng Agosto sa GMA Network makaraang mapanatili at mapalawak pa ang pangunguna sa nationwide TV ratings, batay sa datos ng mas pinagkakatiwalaang rating source na Nielsen TV Audience Measurement. Sa kumpletong datos sa Agosto (Aug 1- 25 official data; Aug 26- 31 overnight data), nakapagtala ang GMA ng 34% sa total day (6AM- 12MN) household audience shares sa National Urban Philippines, mas mataas ng 1.3% puntos kumpara sa 32.7 ng ABS-CBN, at mas mataas ng 19.2% sa 14.8 ng TV5. Kumpara sa nagdaang buwan, ang GMA lamang ang nag-iisang broadcast company na tumaas ang whole total day household audience shares sa lahat ng lugar (kasama ang mga rehiyon sa Visayas at Mindanao). Patuloy na nangunguna ang GMA sa pang-umagang oras sa mga mahahalagang lugar sa Urban Luzon at Mega Manila, na kumakatawan sa 77 at 59.5 porsiyento ng total urban television households sa buong bansa, ayon sa pagkakasunod.

Sa Urban Luzon, ipinakita sa Nielsen data na GMA ang may pinakamataas na total day household audience share na mula sa 37.1% nitong nakaraang buwan ay umangat sa 38% nitong Agosto. Nakakuha ang ABS-CBN ng 28.6% habang ang TV5 naman ay nasa 14.1%. Napanatili rin ng GMA ang matatag na puwesto sa Mega Manila, at tumaas ang total day average sa 39.1% mula sa 37.9% ng Hulyo. Sa kabilang dako, nanatiling 26.4% ang ABS-CBN habang 14.9% naman ang TV5. Sa panghapong oras (12NN - 6PM), pinatibay din ng GMA ang pagiging numero uno nito. Putunay nito ang pagkalap ng Kapuso station ng double-digit lead sa audience share laban sa mga kakompitensiya. Nanguna ang GMA sa ABS-CBN ng 13.9 puntos sa NUTAM, 22.1 puntos sa Urban Luzon, at 24.8 puntos sa Mega Manila. Halos dumoble naman ang audience share lead ng GMA sa Urban Luzon at Mega Manila sa panggabing oras laban sa ABS-CBN kumpara noong Hulyo. Ang kalamangan ng GMA sa ABS-CBN ay lumawak mula sa 1.6 sa 4.1 puntos sa Urban Luzon, at 7.9 mula sa 4.9 puntos sa Mega Manila. Sa NUTAM, tumaas ang audience share ng GMA ng 2.2 puntos habang nanatiling pareho ang viewership level ng ABS-CBN. Nanguna rin ang mga GMA shows sa listahan ng mga pangunahing programa sa Urban Luzon at Mega Manila.
Dalawampung (20) Kapuso shows ang napabilang sa pinaka-pinapanood ng programa sa Luzon. Kabilang dito ang weekend top-rater na Kapuso Mo, Jessica Soho, primetime newscast na 24 Oras, mga palabas na Makapiling Kang Muli, Kapuso Movie Night, multi-generational drama na Luna Blanca: Ang Ikalawang Yugto, number 1 noontime show na Eat Bulaga, at top-rating drama na One True Love. Kasama rin sa listahan ang public affairs show na Wish Ko Lang, top-rating infotainment show Kap's Amazing Stories, at iba pa. Napabilang din ang 20 GMA programs sa listahan ng top 30 shows sa Mega Manila kung saan nangunguna ang Kapuso Mo, Jessica Soho. Kabilang din ang 24 Oras, Makapiling Kang Muli, Kapuso Movie Night, Luna Blanca, Eat Bulaga, One True Love, Wish Ko Lang, at Imbestigador sa mga high-rating Kapuso shows sa Mega Manila. Mayroong 1,190 sample size na tahanan sa Mega Manila ang Nielsen TV Audience Measurement kumpara sa 770 ng Kantar Media. Mayroong namang 2,000 tahanan sa nationwide sample size ng Nielsen kumpara sa 1,370 ng Kantar Media. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News Ang GMA News Online ay ang official news website ng GMA Network
More Videos