Filtered By: Showbiz
Showbiz

Angelica Jones: Magpapatawad ako para sa anak ko


Bagama't mag-isa lang ngayon sa kanyang pagbubuntis ang actress-turned-politician na si Angelica Jones, nakahanda pa rin daw itong patawarin ang kanyang boyfriend at ama ng batang dinadala niya na si Dr. Gerald Alday, ang konsehal ng San Jose, Batangas.
 
"Hindi ko rin sinasara ang pintuan kay Dr Gerald dahil marami pang mangyayari, eh, doon sa 4 months. Marami pang pwedeng mabago o mangyari. I'll keep praying kung ano man... na maayos lahat," pahayag ni Angelica sa StarTalk TX nitong Sabado.
 
Dagdag pa nito, "Of course, siya 'yong ama ng anak ko, eh [at] dahil ayaw ko namang lumaki ang anak ko na walang kilalaning ama, magpapatawad ako para sa anak ko. "
 
Gayundin, tinuturing ni Angelica na isang blessing ang kanyang pagbubuntis at maipagmamalaki niya ito sa lahat na magiging ina siya kahit hindi ito kasal.
 
Samantala, sa mga nangyari sa buhay ni Angelica, hindi naman raw nitong inaasahang tularan siya ng mga kababaihan.
 
Kinuwento naman ng dating actress na ipinagpatuloy niya ang kanyang pagbubuntis dahil hiling niya ito sa Diyos at dahil hindi siya pabor sa abortion.
 
Maliban dito, unang nagsimula ang kanilang pagmamahalan nilang dalawa nang ligawan siya ni Dr. Gerald noong Nobyembre. Sinagot naman raw ito ni Angelica noong ika-8 ng Disyembre noong nakaraang taon.
 
Gayundin, sa mga panahong iyon, napansin ng kanyang nobyo [Dr. Gerald] ang patuloy na paglaki ng tiyan ni Angelica kaya naman ay tumungo sila ng isang ospital sa Alabang upang magpa-ultrasound.
 
Sa kanilang pagpunta, natuklasan nilang dalawa na mayroong cyst at myoma. Sa mga puntong iyon, nalungkot si Dr. Gerald dahil sa posibilidad na hindi na magkaka-anak si Angelica.
 
Wika pa ni Anglica, "So halos nangiyak-ngiyak pa siya that time kasi ang hirap ng magpapakasal kayo ng hindi na kayo magkaka-anak and then hanggang sa nagpa-pray over ako kay Bro. Mike Velarde."
 
Bukod dito, muling nagpatingin at nagpa-ultrasound ang dating aktres sa kanyang doktor sa St. Lukes na si Dr. Catherine Lim at natulkasan nilang nawala ang kanyang cyst. Dahil dito, muling nagkaroon ng pag-asa ang dalawa na magkaroon ng anak,
 
Ngunit nagsimula na raw ang problema sa pagitan nilangg dalawa sa pangatlong buwan ng pagbubuntis ni Angelica.
 
Aniya, "Noong in-announce namin na magpapakasal kami, nakaplano na ang lahat, sa San Pablo Cathedral Church kami magpapakasal ng January 8, 2013 biglang marami ng mga taong nakikialam. Sumisira sa relasyon namin hanggang sa nagpatalo si Dr. Gerald sa mga issues."
 
Samantala, nagbigay naman ng mensahe si Angelica Jones para sa kanyang kasintahan at ama ng batang dinadala niya na si Dr. Gerald Alday.
 
Aniya, "Sana huwag mo sirain 'yong magandang pangarap... 'yong pinlano natin na magka-baby tayo at magpakasal. Sana huwag mong talikuranm huwag mong sirain ang magandang pangarap para sa ating anak."
 
"At ikaw na rin ang nagsabi sa akin na nangarap tayong pareho na magkaroon ng sariling pamilya at gusto nating magkaroon ng tahimik na buhay. Sana ipaglaban mo ako, ipaglaban mo 'yong anak mo [at] huwag mo intindihin ang issue at intriga," saad nito. — Mac Macapendeg/DVM, GMA News