Filtered by: Showbiz
Showbiz

100 na mga pulis, nakatalaga para sa seguridad sa libing ni Dolphy


Mas hinigpitan na ang seguridad sa loob ng The Heritage Park sa Taguig City ilang oras bago ang libing ng yumaong Comedy King Rodolfo "Dolphy" Vera Quizon ngayong Linggo ng hapon. Ayon kay Senior Supt. Tomas Apolinario ng Taguig City Police, nagtalaga na ng mahigit 100 na mga pulis sa loob at labas ng memorial park. Nitong Linggo, mahigpit na rin ang seguridad sa mga pasilidad ng memorial park at pawang mga malalapit na kaibigan at kamag-anak na lamang ng beteranong komedyante ang pinayagang makapasok. Marami na sa mga tagahanga ng comedy king ang nagtungo ng maaga sa The Heritage Park nitong Linggo ng umaga ngunit pinagbawalan na silang makapasok. Naging mahigpit na rin ang pagpapasok sa mga miyembro ng media. Pinagbabawalan nang pumasok ang mga hindi susunod sa color-coding arrangement. Noong Sabado ang huling araw ng public viewing para sa mga labi ng yumaong ace comedian. Ayon kay Apolinario, hanggang mga alas-8 ng umaga, wala pang naiulat na kaguluhan. Dagdag pa niya, naging mapayapa rin ang tatlong araw na pananatili ng mga labi ni Dolphy sa The Heritage Park. Wala umanong kaguluhang naganap maliban na lamang sa maliit na alitan ng "ilang kaibigan ng pamilyang Quizon" na "muntik nang magresulta sa slight physical injury," ayon kay Apolinario. Nitong Biyernes ng gabi, nagpang-abot sina talent manager Annabelle Rama at entertainment writer Chito Alcid, na matagal nang alitan. Nauna nang sinampahan ni Annabelle ang mamamahayag ng reklamong libel sa Cebu noong Hunyo 28. Pinagbigyan naman ng pamilyang Quizon si Annabelle matapos nito humingi ng tawad dahil sa nangyari. — LBG, GMA News

advertisement
More Videos