Dolphy, may mahigpit na habilin sa kanyang mga anak
Bago pa man dalhin noon sa ospital ang Comedy King na si Dolphy, nag-iwan na umano ng habilin ang Comedy King na si Dolphy sa kanyang mga anak na huwag silang magwatak-watak kailanman. Ayon kay Boy Quizon, panganay sa 18 anak ni Dolphy, hiniling umano sa kanya ng ama na huwag pabayaan nagkahiwa-hiwalay silang magkakapatid. "Bilin niya, huwag kaming magwatak-watak, kaming magkakapatid. At saka bilang panganay, ako yung magiging pundasyon nila," pahayag niya. Nakausap na umano niya ang kanyang mga kapatid tungkol sa naging bilin ng kanilang ama. "Yun din sinabi ko sa kanila, huwag tayong magwatak-watak. Lagi tayong may connection sa bawat isa," aniya. "Malayo man o hindi, huwag natin pabayaan na hindi na magkita-kita. Magkaroon ng get-together, reunion para ma-update natin ang sitwasyon sa buhay." Pumanaw si Dolphy nitong Martes ng 8:34 p.m. sa Intensive Care Unit ng Makati Medical Center dahil sa komplikasyon sa mga sakit. Nangako naman umano si Boy sa kanyang ama na ipagpapatuloy ang pag-aalaga at pagkalinga sa mga mas nakababatang mga kapatid. "Kapag mayroon akong maitutulong, huwag silang (mag)hesitate na lumapit, hanggang sa makakaya ko susuportahan ko sila. Ipagpapatuloy ko ang pagkalinga, lahat ng ginagawa ng daddy ko sa mga kapatid ko, pagmamahal," pahayag nito. Bilang panganay, ramdam umano ni Boy ang pangangailangan na maging matatag siya para sa kanyang mga kapatid. Mayroon anim na anak si Dolphy kay Grace Dominguez; apat kay Gloria Smith; apat din kay Baby Smith; isa kay Vangie Tagulao; isa rin kay Alma Moreno; at dalawa kay si Zsa Zsa Padilla. Isang kapatid umano nila na nasa New York ( si Rommel) ang hindi makauwi dahil sa problema sa papeles. "Being the eldest, parang kailangan mong ipakitang matatag ka... pero mahirap kasi parang puputok ang dibdib mo," pag-amin ni Boy. "Although tanggap na nga namin ang mangyayari, hindi mo pa rin matanggap na totoo ba ito, nangyayari nga ba?" dagdag niya. Ayon kay Boy, ilang buwan bago pumanaw ang kanyang ama, sinabihan na siya ni Dolphy na huwag mag-alala dahil “ayos" na umano ang lahat. "Parang sinasabi niya sa amin na nararamdaman na niya. Dahil in and out na siya sa ospital. Nararamdaman niyang unti-unti na siyang nanghihina," kuwento ni Boy. Sa pagpanaw ng kanyang ama, higit na naghihirap umano ang kalooban ng mga kapatid niyang babae. "Yung mga babae, lalo na si Sally, medyo spoiled yung mga babae sa daddy ko, kaya mas hirap silang maka-cope up sa nangyari. Kay daddy kasi sila kumukuha ng lakas na loob. Ngayong wala na si daddy, at lost sila," paliwanag niya. "Sabi ko, tatagan nila ang sarili nila," dagdag ni Boy. Patuloy naman umanong nagiging matatag si Zsa Zsa Padilla, life partner ni Dolphy, sa kabila ng kanilang pagdadalamhati. "Bilib ako kay Zsa Zsa, talagang tinatagan niya ang sarili niya. She's also in pain, nahihirapan din siya, alam kong masakit. Pero alam kong okay na ang lahat dahil nakapahinga na ang daddy. Dahil nakikita namin siyang nahihirapan," pahayag ni Boy. "Nagpapasalamat din ako sa kanya dahil minahal niya ang daddy ko. Nakita ko ‘yon na mahal na mahal niya ang daddy ko," dagdag niya. - Mandy Fernandez/ FRJ, GMA News