Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mga sikat na mang-aawit tampok sa grand launching ng bagong concert venue


Bumida ang mga kilalang pangalan sa musikang Pilipino sa paglunsad ng isang bagong concert venue sa Manila ngayong buwan ng Hunyo.   Tampok sina Lea Salonga, Gary Valenciano, Martin Nievera, Jose Mari Chan, Zsa Zsa Padilla, at Ogie Alcasid sa pormal na pagbukas ng bagong Mall Of Asia Arena noong Hunyo 16 sa Pasay City.   Tinaguriang 'Icons at the Mall of Asia Arena' ang grand launch concert kung saan umawit din ang Asia's songbird na si Regine Velasquez. Kasama niya sa selebrasyon sina Basil Valdez, Freddie Aguilar, Christian Bautista, Erik Santos, Juris, Jed Madela, Piolo Pascual, Bamboo, Arnel Pineda, at ang grupong The Company.   Bago pa man ang pormal na pagbubukas ng naturang arena, ginanap na doon ang kontrobersyal na Born This Way Ball ng American singer na si Lady Gaga noong Mayo.   Hugis mata ang arkitektura ng Mall of Asia Arena, simbolo sa pagiging “feast for the eyes” ng bawat pagtatanghal na gaganapin sa modernong lugar, ayon sa opisyal na website nito.   Mayroong limang palapag at kapasidad na hanggang 20,000 katao ang naturang arena. Sinasabing “technologically-enhanced” ang internal crowd at traffic control nito, at may smoking lounge ito sa bawat palapag.   “True to its vision of changing the game and elevating entertainment, the Mall of Asia Arena will truly be a world-class venue for the Filipino People,” ayon sa pahayag ng kumpanya.   Kasabay ng pagbukas ng Arena ang pagbubunyi naman sa world-class na talento ng mga Filipino.   Ang mga mang-aawit na sina Jim Paredes at Pops Fernandez ang nagsilbing host ng pagdiriwang kasama ang mga komedyanteng sina Jose Manalo, Wally Bayola, at Pokwang. Ang concert ay isinagawa sa direksyon ni Johnny Manahan, na sinamahan ni Ryan Cayabyab bilang musical director. – Mac Macapendeg/YA, GMA News