Filtered By: Showbiz
Showbiz

John Lapus: "Don’t Lie To Me" helped make ‘Showbiz Central’ a success


Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang TV host at comedian na si John Lapus noong Linggo, May 6, sa taping ng Showbiz Central sa Studio 6 ng GMA-7 sa Quezon City.
 
Naimbitahan ang PEP na kapanayamin ang mga hosts ng nasabing showbiz talk show program para sa fifth anniversary nito.
 
Malaki ang ngiti ni John, na kilala rin bilang Sweet, nang kausapin ng PEP.
 
Natutuwa siya na umabot ng limang taon ang kanilang programa.
 
“Nagulat nga kami, five years na pala kami. Parang kailan lang,” sabi ni Sweet.
 
Limang taon na pala niyang ginagawa ang "Don’t Lie To Me" segment sa programa.
 
Sa "Don’t Lie To Me," sumasailalim sa lie-detector test ang mga celebrity guests ng programa. At kung ‘Lie’ ang naging resulta ay nagkakaroon ng “Buwis-Buhay” performance si Sweet.
 
Aminado si Sweet na nakatulong ang segment na ito sa success ng Showbiz Central.
 
“Sabi nila! Kasi ang 'Don’t Lie To Me' ang pinakamatagal na segment ng Showbiz Central.
 
"Meron kaming mga segment noong araw na hindi na namin nagagawa ngayon.
 
“Nag-evolve na nga ‘yan, e. Dati mag-isa lang ako diyan, wala akong back-up dancers. Mag-isa lang akong sasayaw.
 
"Ginawa namin 'yan noong first year ng Showbiz Central,” saad niya.
 
Paano ba ito na-conceptualize?
 
“Ganito nangyari, sa staff nanggaling yung concept ng lie-detector test.
 
"'Tapos, tinanong nila ako kung anong gagawin ko 'pag ’Lie’ ang resulta.
 
"Sabi ko, e, di sasayaw na lang ako, tumbling-tumbling, ganyan.
 
"E, nag-click. So, eventually, binigyan na nila ako ng back-up dancers.”
 
Kuwento pa ni Sweet, tila tumataas ang ratings ng kanilang show kapag gumagawa siya ng mas daring na “Buwis-Buhay” moves.
 
“Nakakaloka, kasi parang 'pag more akong nahihilo, more akong natutumba, parang mas tumataas yung rating ng show namin!
 
"Gusto na nga 'yang i-revise ng mga staff, e, wala, yun talaga ang nagki-click,” saad niya.
 
Biro ng PEP, baka naman gusto ng viewers na nasasaktan siya?
 
“Siguro ganun, o gusto na nila akong mamatay!” sagot ni Sweet ng pabiro.
 
“Hindi ko nga alam, e. Sabi ko nga, yung mga fans ba ng Showbiz Central, gusto na ako mamatay?”
 
Gayunpaman, hindi pa rin daw titigil si Sweet sa paghu-host ng segment na ito.
 
“Pero ganun naman yun. I believe that more than a host, I am also an entertainer. Aminado naman ako diyan.
 
"I’m an artist who can just do a hosting job. Dun tayo bumabawi sa entertainment value ng programa,” sabi niya.
 
Acting duties
 
Bilang nabanggit na rin lang ni Sweet ang pagiging aktor niya, ipinakuwento na rin ng PEP ang mga susunod niyang acting jobs sa GMA-7.
 
Isa na raw rito ang Makapiling Kang Muli, ang series na pagbibidahan nina Richard Gutierrez, Carla Abellana, Sarah Lahbati, at Jennylyn Mercado.
 
Kuwento ni Sweet, “On June, magsisimula na ang Makapiling Kong Muli.
 
"Best friend ako ni Chard dito. Comedy yung character, pero may mangyayari kasing twist.
 
"May mangyayari between me and Chard, na it will be, may drama pa rin na dapat nilang abangan.”
 
Masaya raw si Sweet sa show na ito dahil kakaiba ang gagampanan niyang karakter.
 
“Happy ako dahil hindi lang gay character na patawa ang character ko.
 
"Itong role ko, hindi, importante, pivotal ang role sa istorya at sa character ni Richard Gutierrez.
 
“At saka first time kong mag-cowboy! Pinag-train pa kami sa horseback riding lessons.
 
"Nag-provide ang GMA Drama, dahil ang eksena nga, e, nangyari sa Rancho Paradiso.”
 
Ipapalabas na rin ang pelikula ni Sweet sa Regal Films na The Mommy Returns, produced by Regal Films. Ito na ang pangalawa niyang pelikula this year, matapos ang Moron 5 and The Crying Lady mula sa Viva Films.
 
Pareho mang supporting roles ang ginampanan ni Sweet sa dalawang pelikula ay hindi niya raw ito iniisip dahil malapit na ang pelikula kung saan siya ang magiging lead.
 
Kuwento niya, “Ibibigay na 'yan ng Viva Films. So, abangan ni'o 'yan bago matapos ang 2012, ia-announce na 'yan.
 
"Dalawang pelikula yung pinirmahan ko sa Viva.
 
"Bawal pang sabihin, e, dahil magbe-brainstorm pa kami. Pero may idea na ako more or less.” — Mark Angelo Ching, PEP.ph 
Tags: johnlapus