Alden Richards off to Hollywood for premiere of 'The Road'
Muntik nang ma-late sa kanyang 10 p.m. Philippine Airlines (PAL) flight to Los Angeles ang Kapuso young actor na si Alden Richards kagabi, May 8. Isa si Alden sa cast ng pelikulang ‘The Road’ ng GMA Films na dadalo sa red-carpet premiere ng Yam Laranas movie na ito sa Mann Chinese Theatre sa Los Angeles, California. Paliwanag ng young actor, galing pa siya sa taping ng drama series na My Beloved sa Pulilan, Bulacan. Noong ma-pack-up na siya, nagmadali nang hinatid si Alden sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2. “Grabe nga po ang traffic sa NLEX! “Akala ko nga po hindi na ako makakaabot kasi late na rin akong na-pack-up. “Pero sa awa ng Diyos, nakaabot ako. Kahit na one and a half hour na lang before boarding,” nakangiting kuwento ni Alden nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) bago siya nag-check-in. First trip abroad Ito ang first trip abroad ni Alden. Dahil dito, nagpapasalamat ang Kapuso star na isa siya sa masuwerteng nakasama sa entourage ng The Road. One week lang daw si Alden sa Los Angeles dahil kailangan niyang makabalik agad dahil sa taping ng My Beloved, at sa workshop niya para sa launching ng team-up nila ni Louise delos Reyes sa primetime, ang My One True Love. Kaya susulitin daw ni Alden ang isang linggong bakasyon niya doon. “Since nandoon na, puntahan ko na ang mga dapat mapuntahan sa L.A. “May mga scheduled kaming pupuntahan na places para mas masaya na magkakasama kami. “First time ko sa U.S. kaya ayokong mawala doon!” tawa pa ni Alden. Makakasama ni Alden sa red-carpet premiere ng The Road sa L.A. ang co-stars niya na sina Rhian Ramos, Derrick Monasterio, at Marvin Agustin. Hindi nakasama si Lexi Fernandez dahil hindi raw nakarating on time ang visa nito. Makakasama rin nila si Aljur Abrenica sa red carpet dahil ito ang magiging escort ni Rhian. May mga shows din daw silang gagawin sa U.S. para sa GMA Pinoy TV. Ipapalabas ang The Road sa 50 commercial theaters sa North America at Canada simula sa May 11. Good reviews Nakakuha ng magagandang reviews si Alden sa kanyang pagganap bilang psycho killer sa The Road. Kaya bini-buildup siya ngayon ng GMA-7 bilang isa sa leading men para sa future TV series at movies ng network. Nagpapasalamat naman si Alden sa magagandang opportunities na dumarating sa kanya. Pangako niya na pagbubutihan pa niya ang lahat dahil ito ang matagal na niyang gusto. “I want to do good kasi hindi lang ito para sa akin kundi para rin sa family ko. “Malaki ang paniniwala sa akin ng family and other people are expecting a lot from me. “Ayoko silang biguin and I will do my best. “Sinasamahan po natin ang lahat ng dasal para mas maging maayos ang takbo ng career natin,” saad ni Alden. Muli ring ipalalabas sa local theaters ang The Road simula sa May 9, at ipapalabas din ito sa Singapore on May 15. Ipapalabas ang pelikula nila sa 50 commercial theaters sa North America at Canada simula sa May 11. – Ruel J. Mendoza, PEP.ph