Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kapuso programs, personalities, kinilala sa ‘Anak TV’ at ‘Pop Dev’ awards


Pinarangalan ang mga programa at personalidad ng Kapuso Network sa nakaraang 2011 Anak TV Seal Awards at PopDev Awards. Ang mga batikang broadcast journalists na sina Mel Tiangco at Mike Enriquez, anchors GMA’s top-rating primetime newscast na 24 Oras, ay iniluklok sa Anak TV Makabata Award Hall of Fame, na ginanap noong Disyembre 8. Ito ay makaraang mahirang na “trustworthy, reputable and are role models to children television personalities" sina Mike at Mel sa loob ng magkakasunod na pitong taon. “Magandang pangitain ito na ang mga bata sa Pilipinas nanonood ng mga programang pambalitaan. This is something to look forward to para sa bansa natin," ayon kay Enriquez. Samantalang No. 1 TV newscast ng bansa na 24 Oras ay kasama sa listahan ng Anak TV’s list of Top 10 Household Favorite TV Shows. Kasama rin ang news magazine show Kapuso Mo, Jessica Soho; ang longest-running noontime variety show na Eat Bulaga at ang epicseryeng Amaya. Ang Eat Bulaga host na si Vic Sotto at ang mga haligi ng balitaan ng GMA na sina Jessica Soho, Arnold Clavio at Vicky Morales ay kasama rin sa listahan ng mga TV personalities na ikinukonsiderang, “most credible, wholesome and worth emulating by the youth." “Sabi nila, children are great imitators so give them something great to imitate. That’s what Anak TV does; kinikilala nila yung mga dapat tularan. Nakakatuwa kasi isa akong working mom at tuwing tinitignan ko ang mga anak ko, gusto ko talagang maging maganda ang mundo para sa kanila," pahayag ni Morales. Ang Anak TV Seal ay ipinagkakaloob naman sa mga programa sa telebisyon na ikinukonsderang “wholesome and child-safe." Kabilang sa mga pinagkalooban ng iconic seal ay ang mga programang AHA!; Art Angel; HanepBuhay; Kap’s Amazing Stories; Kapuso Mo, Jessica Soho; Pepito Manaloto; Pinoy MD; Sabadabadog; Tropang Potchi at Wish Ko Lang! Ang GMA News TV, ang number one news channel sa Pilipinas ay nabigyan din ng Anak TV Seals para sa mga proramang Ang Pinaka; Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie; Brigada; Day Off; Front Row; Full Time Moms; Good News; I-Juander; Kuwento ni Rizal (Special); On Call; Pluma (Special); Pop Talk at Reel Time. Samantala, sa nakaraang 7th PopDev Awards na ginanap noong Nov 29, ipinagkaloob sa GMA News TV ang Best Magazine/Talk Show Program Award para sa RH Bill: The Grand Debate TV special, na ipinalabas noong Mayo Tinalakay sa naturang special ng mga kinatawan mula sa gobyerno, religious groups, at women’s organizations, ang kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) Bill. Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga manonood na makibahagi sa debate sa tulong ng social media tools. Samantala, ang documentary program sa GMA 7 na Reporter’s Notebook ang nagkamit ng pagkilala bilang Best TV Documentary Program Award para sa “RH Bill: Sagot o Salot" episode. Runners-up sa 7th PopDev Awards ang iba pang programa ng Kapuso kabilang ang Bawal ang Pasaway Kay Mareng Winnie (GMA News TV) bilang Best Magazine/Talk Show Program category sa episode “K+12 Education;" ang Front Row (GMA News TV) sa Best TV Documentary category para sa episode na “Bente Dos;" at si Ma. Bernadette Reyes ng GMA News Online para sa Best Feature/Magazine Article category para sa kanyang “Schools Made of Bottles." Ang GMA News TV ang news channel ng GMA Network, habang ang GMA News Online (www.gmanetwork.com/news) ang opisyal na news website ng GMA. - FRJ, GMA News