Filtered By: Showbiz
Showbiz
iGMA: Pahiram ng Isang Ina magsisimula na sa Lunes
Isa na namang de-kalibre at pampamilyang programa ang handog ng GMA Network sa sa mga Kapuso. Sa August 15, mag-uumpisa na ang Pahiram Ng Isang Ina sa undefeated afternoon block ng GMA-7.
Tampok sa Pahiram Ng Isang Ina ang nagbabalik na si Carmina Villarroel sa paggawa ng drama. Siya ang gaganap bilang pangunahing tauhan na si Emily. Maging si Maxene Magalona na isa sa mga paboritong bida sa afternoon block ay napapanood din sa naturang drama bilang Andrea, ang mapag-arugang pinsan ni Emily. Muling nakakatambal ni Maxene si Marco Alcaraz na gaganap bilang si Ryan, ang kasintahan ni Andrea. Samantala, haharapin naman ng tweens na sina Bea Binene at Jake Vargas ang hamon sa pagkakaroon ng sarili nilang programa. Bilang Berna at Luke, nag-aagawan sila sa pagmamahal at atensyon ng iisang ina. Ang Pahiram Ng Isang Ina ay tungkol sa buhay ni Emily, isang mabuti at matagumpay na negosyante. Sabik siyang magkaroon ng pamilya dahil siya ay lumaking ulila. Subalit, dahil sa hindi magandang karanasan, hindi niya magawang magtiwala sa mga tao liban sa kanyang mga kasambahay. Nang makilala ni Emily ang magkapatid na Berna at Andoy (Martin Delos Santos), napalapit siya sa mga ito dahil tulad niya ay ulila rin ang dalawa. Para naman sa magkapatid, si Emily na marahil ang sagot sa dasal nilang magkaroon ng ina. Sa istorya, dudukutin si Emily at malalagay ang kanyang buhay sa panganib. Sina Berna at Andoy ang nakakita sa kanya at tutulong upang madala siya sa pagamutan. Dulot ng trauma sa nangyari, naging tulala si Emily at hindi makapagsalita. Palagi siyang dadalawin ng magkapatid at hindi nila itatanggi na anak sila ni Emily kapag mapagkakamalan. Nang malaman ni Andrea ang pagpapanggap na ito, sinuportahan pa niya sina Berna at Andoy. Umaasa siyang makatutulong ang pagmamahal ng dalawa sa paggaling ng kanyang pinsan. Dahil sa kalagayan ni Emily, si Andrea muna ang mamamahala sa negosyo at pag-aari nito. Labis ang malasakit niya kay Emily at madalas ay wala na siyang panahon para kay Ryan. Hindi tuloy maiwasang isipin ng kanyang nobyo na isang hadlang si Emily sa kanilang pagmamahalan. May hatid ding problema ang pagbabalik ng dating asawa ni Emily na si Johnny (Antonio Aquitania) at anak nitong si Luke. Alam ni Johnny na napamahal na kay Emily ang kanyang anak at hindi sila papayag ng nobya niyang si Eloisa (Bubbles Paraiso) na makahati nito sa mana sina Berna at Andoy. Sa paggaling ni Emily, kailangan niyang pumili kung sino ang kanyang pagkakatiwalaan. Tatanggapin ba niya ang pagmamahal nina Berna at Andoy o ang mapanlinlang na pagkalinga nina Johnny at Luke? Kasama rin sa Pahiram Ng Isang Ina sina: Tony Mabesa bilang Carlos, abogado ng pamilya ni Emily; Jim Pebangco bilang Karyo, driver at body guard ni Emily; Shyr Valdez bilang Veron, malupit na tiya nina Berna at Andoy; Rita Iringan bilang Nenet, anak ni Veron; Mike Magat bilang Egay, asawa ni Veron; Ama Quiambao bilang Lourdes, mayordoma sa mansyon ni Emily. Sa pagtutulungan nina Direktor Joel Lamangan at Head Writer Denoy Navarro-Punio, ipakikita ng Pahiram Ng Isang Ina na hindi kayang punan ng kayamanan ang kakulangan sa mahahalagang bagay tulad ng pamilya, pagmamahal at tiwala. Simula August 15, ang Pahiram Ng Isang Ina ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Eat Bulaga sa Dramarama sa Hapon ng GMA-7. Mapapanood din ito sa U.S., Canada, Middle East, Europe at Asia Pacific. - iGMA.TVMore Videos
Most Popular