Filtered By: Showbiz
Showbiz
Actor Paquito Diaz passes away at 73
Sumakabilang buhay na nitong Huwebes ng gabi ang character actor na si Paquito Diaz sa kanilang tahanan sa Daraga, Albay. Sa late-night newscast ng GMA News Saksi nitong Huwebes, sinabing kinumpirma sa panayam sa telepono ng misis ni Paquito na si Nena, ang pagpanaw ng beteranong aktor. Sa isang ulat naman ng PEP (Philippine Entertainment Portal), isang malapit sa pamilya Diaz ang nagbalita pagpanaw ni Paquito na maging markado bilang paboritong kontrabida ng pumanaw na ring action king na si Fernando Poe Jr. Bago ang kanyang pagpanaw ay na-confine si Paquito sa Estevez Memorial Hospital sa Albay. Nitong Miyerkules, Marso 2, lamang daw siya naiuwi sa kanilang bahay. Noong nakaraang linggo ay napabalitang pumanaw na ang aktor ngunit mabilis itong pinabulaanan ng kanyang mga kaanak. Pero kanina ay tuluyan nang binawian ng buhay si Paquito, na itinuturing na isa sa pinakamahusay na kontrabida sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino. Ayon pa sa source ng PEP, paluwas na ng Albay ngayon ang mga anak ni Paquito, kabilang na ang aktor na si Joko Diaz. Sa mga hindi nakakakilala kay Paquito, madalas siyang gumanap na kontrabida sa mga pelikula nii FPJ. Ilan sa mga pelikulang nagawa nila ay ang mga sumusunod: Asedillo (1971), Totoy Bato (1977), Durugin si Totoy Bato (1979), Bandido sa Sapang Bato (1981), Partida (1985), Musim Magnum 357 (1986), Kapag Lumaban Ang Api (1987), Agila ng Maynila (1989), Kapag Puno na Ang Salop Part II (1989), Kahit Konting Pagtingin (1990), May Isang Tuper ng Taxi (1990), Mabuting Kaibigan...Masamang Kaaway (1991), Hindi Pa Tapos Ang Laban (1994), Ikaw Ang Mahal Ko (1996), Ang Pagbabalik ng Probinsiyano (1998), Isusumbong Kita sa Tatay Ko (1999), Ang Dalubhasa (2000), at Pakners (2003). Noong 2004 ay na-stroke si Paquito. Sumailalim siya sa major brain surgery, na naging dahilan ng pagkaubos ng kanyang ipon at nagpahina rin nang husto ng kanyang katawan. - Erwin Santiago, PEP/ FRJ, GMA News
Tags: paquitodiaz
More Videos
Most Popular