Filtered By: Showbiz
Showbiz

iGMA: 'Trudis Liit' Jillian Ward meets 'Trudis Laki' Gov Vi


Nangyari na rin ang pinakahihintay ng mga followers ng Trudis Liit, ang pagkikita ng original at new Trudis Liit na sina Gov. Vilma Santos at bagong child wonder na si Jillian Ward. Sa kapitolyo ng Batangas kung saan matatagpuan ang opisina ni Gov. Vilma nangyari ang pagkikita ng dalawang Trudis. Matatandaang, nagbigay ng isang interview noon si Gov. Vi na gusto niyang makilala si Jillian, ang batang nasa remake ng kanyang award-winning role na Trudis Liit.

Sa pamamagitan ng programa sa GMA 7 na Wish Ko Lang ay nagkaroon ng katuparan ang lahat. Pero bago magkita ang dalawa, tinanong muna si Gov. Vi kung ano ang pakiramdam niya na may nag-remake ng Trudis Liit? “Definitely, I feel honored kasi in the first place, pagkatapos kong gawin ‘yung Trudis Liit may gumawa pang isa and then inulit na naman nila, ngayon and ibig sabihin lang tama ‘yung naging desisyon ko noon na gawin ‘yung Trudis Liit," ayon sa gobernadora. “Dahil ‘yon ‘yung naging umpisang-umpisa ko kung bakit ako naging Vilma Santos ‘di ba? So definitely, I’m honored and flattered na ginagawa ulit ‘yung unang pelikulang ginawa ko," dagdag ng Star for All Seasons. Ano naman kaya ang masasabi niya kay Jillian Ward? “Magaling ‘yung bata, ah. Bibong-bibo para ngang mas bibo pa s'ya sa akin noon nung nag-umpisa ako. Kasi makabagong panahon na rin ngayon. But I think definitely she’s giving justice to the role of Trudis Liit," ayon kay Ate Vi. Patuloy pa ng batikang aktres: “Ang ganda rin niya, so basta’t ang alam ko ‘yung Trudis Liit ay napakagandang stepping stone. Lalo na kung makakadeliver talaga para sa isang umaasam na maging artista kasi maganda yung produkto talaga." Ano naman kaya ang maibibigay niyang advice para kay Jillian para mag-succeed sa showbiz?
“When I made Trudis Liit I was nine, so ang akin lang pagka nasa dugo 'yan talaga pabayaan lang natin. But, ‘wag mo lang pababayaan ‘yung pag-aaral mo ha. Napaka-importante nun kasi ako noong ginawa ko ‘yung Trudis Liit nagpapa-tutor ako noon para makahabol sa school. Kasi it’s very important kahit anong sabihin mo number one pa rin ang education," payo niya. Habang sinasabi niya ito, pumasok si Jillian na may dalang bulaklak para sa original na Trudis. Tuwang-tuwa si Gov. Vi sa pagkabibo ni Jillian at magiliw niyang kinausap ito. Bago pa man matapos ang pagkikita nila, sinabi ni Gov. Vi kay Jillian na: “You call me Trudis Laki and you are Trudis Liit ha." Ang tugon naman sa kanya ni Jillian, “I’m liit and you're laki!" Mapapanood ang pagkikita ni Trudis Liit at Trudis Laki sa Wish Ko Lang ngayong Sabado, August 8, 2010, pagkatapos ng Startalk. - Loretta G. Ramirez, iGMA.tv