Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Polo Ravales talks on relationship with Jean Garcia


Pabirong inilarawan ni Direk Don Cuaresma ng Loving You ang mga eksena ng love teams sa nasabing pelikula sa idinaos na press conference noong Biyernes, August 8, sa Imperial Palace Suites, sa Timog Avenue, Quezon City. Isa sa mga ibinuko ng direktor ay ang pakikitungo ng tambalang Polo Ravales at Jean Garcia sa isa't isa. "Sa nakikita niyo naman, read between the lines na lang. Hindi na kailangang i-motivate. Basta 'yong feeling na pagmamahal nila sa isa't isa, nandoon na, 'yon na," sabi ni Direk Don. Kaya naman nang matapos ang Q&A, nilapitan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Polo upang tanungin kung ano ang masasabi niya sa sinabi ng direktor. "Hindi, nang-aasar lang si Direk nun," paiwas na sagot ni Polo. "Wala, hindi ko naman masisisi ang mga tao kung ayaw nilang maniwala sa closeness na mayroon kami ni Jean." Ayon kay Polo, sobrang malapit na kaibigan ang turing niya sa aktres. "Alam mo 'yong time na kahit na magkaroon akong girlfriend, magkaroon siya ng boyfriend, alam namin na mahal namin ang isa't isa at nandoon kami parati [para sa isa't isa]." Dagdag pa niya, "Basta malalim, malalim ang pagkakaibigan namin." Sa sobrang closeness daw nila ni Jean, nagagawa na nilang mag-share ng kani-kanilang mga problema sa isa't isa. "Kapag may problema ako, sine-share ko sa kanya, nagbibigay siya ng advice sa akin. Ganun din siya, minsan kapag may problem siya she'll seek for my advice." COMPLICATED RELATIONSHIP. Inamin ni Polo na maituturing na "girlfriend material" si Jean. Gayunman, hindi niya masagot kung magkakaroon ba ng pagkakataon na humigit pa sa pagkakaibigan ang kanilang relasyon. Para sa hunky actor, "Pag-iisipan iyan, e. Nagkataon lang na komplikado kasi nasa Pilipinas tayo, e. Alam mo naman ang utak ng mga Pilipino, di ba?" Bukod pa sa sinasabing "age difference" inaalala rin ng binatang aktor ang estado nila bilang mga artista. "Kasi artista kami pareho. Malas namin kasi, you know, we have to think about everyone," sabi ni Polo. "Hindi ‘kami' kasi maraming dapat i-consider, maraming dapat isipin." Sa bandang huli, isa lamang ang siniguro ni Polo sa PEP, ayon sa kanya: "Masaya kami pareho na alam namin mahal namin ang isa't isa." - Philippine Entertainment Portal