Maluwag na tinanggap ni Heart Evangelista ang bago niyang tungkulin bilang presidente ng Senate Spouses Foundation, at nangakong manggagaling sa puso ang kaniyang mga gagawin.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing alam ni Heart na marami siyang matutulungan sa bago niyang role.

“I was very surprised. But you know, sa lahat naman ng bagay, kung ibinigay sa ‘yo, you have to fully accept. And you know, I never do anything half-baked, I'm always 100 percent. So gagawin ko kung ano ang kaya kong gawin,” sabi ni Heart.

Dagdag ni Heart, kakayanin niyang pagsabayin ang bagong responsibilidad at ang pagiging isang fashion icon.

Katunayan, aalis si Heart para sa Paris Fashion Week, ngunit sinabi niyang mapagsasabay niya ito sa pamamagitan ng masusing time management.

“From the heart lahat ng gagawin ko sa Senate Spouses Foundation po and I really want it to matter. I don’t know how much time I have so I will do my best.”

“Madami na actually. Pero I’d rather them see, mas gusto ko kaysa salita, gawa na lang,” sabi naman ni Heart tungkol sa kanilang mga plano para sa foundation.

Samantala, pang-apat si Heart sa Top 20 global celebrities in fashion and sportswear ng fashion report ng isang cloud-based performance benchmarking software.

Kasama ni Heart sa listahan ang ENHYPEN at NCT, pati na rin sina Dua Lipa, Becky G, Dwayne Johnson at Anne Curtis.

“It’s always a shock. But then you know, when you like something and you're very authentic about something, about being yourself, hopefully laging ganoon that people would appreciate that,” sabi ni Heart. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News