Bago maging TV host, isa sa mga mahusay at guwapong basketball player si Chris Tiu. "Matinik" kaya siya noon pagdating sa mga babae gaya ng paniniwala sa maraming basketbolista?
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, tinanong si Chris kung totoo ang kasabihang “kapag basketbolista, matinik sa babae.”
“Torpe ako eh, hindi ako marunong dumiskarte,” saad ni Chris.
Natanong din si Chris kung lapitin ba siya ng mga babae.
“Parang hindi naman eh, bakit hindi ko naramdaman ‘yun?,” nangingiti niyang sabi. “May konti, a few.”
Ayon kay Chris, sinasabi niya sa mga babae na kumakausap sa kaniya noon na may nobya na siya.
“But I think they don’t gravitate towards me if parang feel nila hindi rin ako ‘yung type that will entertain siguro,” saad ng "iBilib" host.
Ayon kay Chris, dini-dedma niya na lamang ang mga ito kung namimilit na at hindi na niya papansinin kalaunan.
Taliwas din sa pananaw ng ilan na malapit si Chris sa konsepto ng isang “perfect man,” sinabi niyang hindi iyon totoo at may mga pagkakamali rin siyang nagagawa.
“I don’t know if it’s good that they think of me that way, but ako personally, I’m far from that. And I’m constantly trying to improve and to get better,” saad niya.
“Marami akong faults, flaws and things that I’m working on and struggling with,” pagpapatuloy ni Chris. “I’m not sure if I want people to think I’m perfect because I’m far from that. But I guess, thank you.”
Naglaro si Chris para sa Ateneo Blue Eagles sa kaniyang karera sa collegiate basketball.
Noong 2012, sumali siya sa 2012 PBA Rookie Draft at nakuhang maglaro para sa Rain or Shine Elasto Painters.
Inanunsyo niya ang pagreretiro sa kaniyang basketball journey noong Enero 2019.-- FRJ, GMA Integrated News