Pagbabalik sa nakaraan ang istorya ng pelikulang “Video City” na pinagbibidahan nina Ruru Madrid at Yassi Pressman. Kaya naman sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, napag-usapan ang mga nakaraan ng Kapuso actor.

Kabilang sa mga binalikan ni Ruru ang panahon na grade 5 student pa lang siya at nanligaw siya ng guro.

“Dati kasi meron akong nililigawan na teacher ko. Sobrang crush ko siya, basta sobrang ganda niya. Tapos ako, noong Grade 5 ako talagang binibigyan ko siya ng bulaklak," natatawang kuwento ni Ruru.

"Ako ‘yung parang sipsip na estudyante na, ‘Ma’am ako na po ang magbubuhat niyan’ ‘Ma’am ako na po ang magdadala niyan,’ ‘Ma’am ano po ang gusto niyo? Bibilhan po kita.’ Laging gano’n,” kuwento pa ng aktor.

Sabi pa ni Ruru, hindi naman daw ipinaramdam sa kaniya ng guro na masyado pa siyang bata sa mga ginagawa niya.

At kahit nasa murang edad pa lang noon, nagkaroon na raw agad siya ng lakas ng loob na ihayag ang kaniyang nararamdaman sa kaniyang guro.

“Nagtapat po ako sa kaniya. Noong time na ‘yon eksaktong naglabasan na tapos kaming dalawa na lang ang naiwan,” sabi ng aktor.

“Sabi ko, ‘Ma’am matagal-tagal na rin po akong nanliligaw sa inyo, sabi ko ‘Baka po puwedeng maging tayo na?’” natatawang kuwento ni Ruru. “Gano’n ka-straightforward.”

Ngunit sa huli, nasaktan siya sa isinagot sa kaniya ng kaniyang guro.

“‘I’m sorry I’m taken. Ikakasal na ako next week,’” sabi raw ng guro kay Ruru.

“Na-hurt ako. Na-hurt nang malala. Na-heartbroken ako noong time na ‘yon,” paglalahad niya.

Mapapanood na simula bukas, Miyerkules ang “Video City: Be Kind, Please Rewind.”

Bibida rin sina Ruru at Yassi sa upcoming GMA Public Affairs action series na "Black Rider." --FRJ, GMA Integrated News