Pinakasalan na ni Chris Evans, na kilala sa kaniyang role bilang si "Captain America," ang kaniyang kasintahan na si Alba Baptista.

Ayon sa ulat ng People Magazine, ikinasal ang dalawa sa isang private estate sa Cape Cod, Massachusetts noong Sabado.

Una namang nag-ulat sa naturang kasalan ang Page Six ng New York Post, at sinabing, "nuptials were 'locked down tight,' as guests signed NDAs and phones were forfeited."

Kabilang umano sa mga bisita ang ilang kapuwa niya "Avengers" gaya nina "Iron Man" Robert Downey Jr., "Thor" na si Chris Hemsworth, "Hawkeye" Jeremy Renner, maging sina Emily Blunt at mister nitong si John Krasinski.

Nobyembre 2022 nang unang maiulat ang tungkol sa relasyon nina Evans at Baptista, makaraan ang isang taon na nakikita silang lumalabas, ayon sa source ng People.

Nitong nakaraang Valentine's Day, nag-post si Evans ng mga larawan na kasama niya si Baptista sa Instagram Stories.

Hinirang na Sexiest Man Alive noong nakaraang taon si Evans. Sa panayam, nagkomento ang aktor tungkol sa kasal na, "absolutely something I want."

— FRJ, GMA Integrated News