Itinuturing ni Dion Ignacio na isang “answered prayer” ang kaniyang asawa na si Aileen Sison, na dahilan kaya itinigil niya ang kaniyang pambababae.

“Pinakapasaway na ginawa mo noon? tanong ni Tito Boy Abunda kay Dion sa Fast Talk segment ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles.

“Siguro ‘yung nambabae,” pag-amin ni Dion.

Gayunman, bumawi ang aktor nang tanungin siya tungkol sa "pinakamabuti niyang ginawa."

“‘Yung naging loyal na ako ngayon,” sagot ni Dion.

Ang kaniyang pamilya ang kaniyang pinaka-iingatan ngayon, at itinapon na raw ni Dion ang kaniyang mga “past” na kasalanan.

Kaya naman malaki ang pasasalamat ni Dion sa asawa niyang si Aileen.

“Answered prayer din ang asawa ko eh,” saad ni Dion na mapapanood sa hit Kapuso series na "Royal Blood."

“Noon parang ang gulo kasi walang direksyon. Nagkaka-girlfriend nga pero... Tapos ngayon ito, sabi ko ‘32 na ako, kailangan seryoso na ako.’ So dumating siya sa buhay ko ulit,” sabi pa ni Dion.

Noong dine-date niya si Aileen, umiwas na si Dion na makipag-ugnayan sa iba pa niyang babaeng nakakausap.

“Siyempre hindi naman agad mawawala ‘yung mga contacts mo eh. Siyempre baka ‘Sino ‘yang nag-text?’ Nagde-date pa lang kayo sira ka na,” anang aktor.

“Kaya dapat, nilayo ko na, tapos nagpalit ako ng number,” kuwento ni Dion kung papaano niya sinimulan ang pag-iwas sa ibang babae. -- FRJ, GMA Integrated News