Nilinaw ng Movie and Television Review Classification Board (MTRCB) na hindi pa final and executory ang pasya na patawan ng 12-airing days ang "It's Showtime" dahil puwede pang umapela ang programa.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng MTRCB na hinihintay pa ang "finality" sa desisyon tungkol sa isyu ng "It's Showtime."
"With others, puwede naman talagang ma-suspend na kanina pa lang. But no, again, in the spirit of fairness, we're giving them the chance kaya hindi sila suspended today. We will wait for its finality," sabi ni MTRCB Chairperson Lala Sotto.
Nauna nang inanunsyo ng MTRCB na ang desisyon na pagsuspinde sa "It's Showtime" ay dahil sa mga reklamo sa umano'y indecent manner ng mga host na sina Vice Ganda at Ion Perez habang kumakain ng case sa "Isip Bata" segment sa episode noong July 25.
Pinabulaanan din ni Sotto ang mga akusasyon na pinag-iinitan ng ahensiya ang "It's Showtime."
Si Sotto ay anak ni dating Senate President Tito Sotto, na host ng isa ring noontime show.
"No, that is not true. Siguro natural lang naman sa mga supporters ang maging ganoon ang pakiramdam kasi siguro naririnig nila na parating na-re-report. But hindi po kasalanan ng MTRCB ang violations na ginagawa nila," paliwanag ng opisyal, na sinabing ang board ng MTRCB ang humawak sa reklamo laban sa It's Showtime.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng MTRCB na hindi sumali si Sotto sa botohan, "ensuring that members of the Board exercised their independent judgment in determining the appropriate course of action."
Nauna nang sinabi ng ABS-CBN na maghahain sila ng motion for reconsideration sa MTRCB para mabawi ang suspension order sa programa.—FRJ, GMA Integrated News