Pinatawan ng Movie and Television Review Classifications Board (MTRCB) ng 12 airing days suspension ang "It's Showtime!"
Inilabas ng MTRCB ang kautusan nitong Lunes dahil umano sa ilang reklamo ng mga manonood tungkol sa July 25 episode ng programa na nagpakita ng "indecent manner" o kalaswaan ang ilang host sa segment nitong "Isip Bata."
Dininig umano ng Hearing and Adjudication Committee ang reklamo kung saan pinagsumite ng paliwanag ang mga inireklamo at nagkaroon ng pagsusuri.
Sa pahayag na inilabas ng MTRCB, sinabi nito na maaaring maghain ng motion for reconsideration ang inireklamo sa loob ng 15 araw makaraan nilang matanggap ang desisyon.
Ayon sa MTRCB, ngayong taon ay binigyan nila ng dalawang warning ang "It's Showtime." Ang una ay patungkol umano sa January 24 episode nang banggitin ng mga host na sina Jhong Hilario at Vice Ganda ang salitang "G spot," at ang isa pa ay para sa June 3 episode nang sabihin naman ni Vhong Navarro ang salitang "tinggil."
Ayon sa MTRCB, noong 2010 ay nasuspinde na rin ang "It's Showtime!"
July 31 nang ipatawag ng MTRCB ang producers ng "It's Showtime" dahil sa umano'y "indecent acts" nina Vice Ganda at Ion Perez sa segment na "Isip Bata" noong July 25 episode.
Ang sinasabing "indecent acts" ay ang ginawang pagsusubuan ng cake sina Vice at Ion na ikinasal sa non-legal ceremony sa Las Vegas noong nakaraang taon.
Samantala, naglabas naman ng pahayag ang ABS-CBN kaugnay sa desisyon ng MTRCB:
"Natanggap namin ang ruling ng MTRCB na nag-uutos na isuspinde ang “It’s Showtime” sa loob ng 12 araw mula sa pinalidad ng desisyong ito.
Kami ay maghahain ng Motion for Reconsideration dahil naniniwala kami na walang nangyaring paglabag sa anumang batas.
Patuloy rin kaming makikipag-ugnayan sa MTRCB para makapagpatuloy ang
“It’s Showtime” sa paghahatid ng libangan at saya sa minamahal naming Madlang People.
Buong puso kaming nagpapasalamat sa lahat ng nagmamahal at sumusuporta sa “It’s Showtime.” — FRJ, GMA Integrated News