Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nora Aunor: Hindi ko inisip na maging National Artist


Hindi masama ang loob ni Nora Aunor na hindi siya napabilang sa mga kinilalang National Artist noong siya ay maisama sa short list ng mga nominado para sa parangal noon 2014.

Ayon sa nag-iisang "Superstar" ng Philippine showbiz, hindi niya ito naisip na makamit noong una pa man.

Muli na namang nababanggit ang pangalan ni Nora ngayong mamimiling muli ng mga National Artist.

"Maski noong iba pa ang presidente natin, ni minsan 'yung pagiging National Artist hindi ko talaga inisip 'yan eh. Kasi ang sa akin, kung para sa'yo ang isang bagay at talagang loob ng Diyos, talagang ibibigay sa'yo kahit anong mangyari," sabi ni Nora.

"So hindi niloob noong mga nakaraang taon," dagdag pa niya sa panayam matapos ang kaniyang signing ng program contract sa GMA Network nitong Huwebes.

"So hindi pa rin natin sigurado kung ibibigay pa rin sa atin, walang kasiguraduhan, at sa palagay ko naman may iba pang artista na, 'yung mga mas nauna sa'kin, na karapat-dapat bigyan ng pagiging National Artist, 'yung ganu'ng klaseng award na hindi lang natin nakikita 'yung kanilang ginawa na kontribusyon," sabi ni Nora.

May ilang grupo umano ang muling kumikilos para maibigay ang National Artist title kay Nora.

Matatandaang noong 2014, hindi iginawad ang titulong National Arist kay Nora ng dating Pangulong Benigno Aquino III dahil umano sa kaniyang pagkasangkot sa ilegal na droga.

"Katulad ng sinabi ko kanina, kung loloobin ng Diyos, kung hindi, talagang hindi ibibigay," sabi ni Nora.

Hindi din tinitingan ng Superstar na nakakaangat siya sa ibang artista dahil sa kaniyang mga achievement, dahil naniniwala siyang pantay-pantay lang ang mga artista.

"Marami tayong mga artistang magagaling na hindi nabibigyan ng break. Ang nangyari lang sa akin siguro unang-una, dahil sa nauna ako nagkaroon ng pinagpagurang pangalan, siguro nakalamang lang ako. "Pero kung iisipin natin, maraming magagaling na artista na hindi lang nabibigyan ng tamang role, tamang proyekto. Pero pagka binigyan sila, pare-pareho lang 'yan eh bilang mga artista. Walang nakakalamang."

Proud naman si Nora sa kaniyang mga kontribusyon sa showbiz industry.

"Ang unang-una, 'yung mga binigay na proyekto sa akin na sa ngayon ay makikita nating napapag-aralan na sa eskuwelahan, ng mga estudyante, at nagiging diskusyon nila 'yung mga pelikulang ginagawa ko. So isa 'yun sa mga pinagmamalaki ko sa sarili ko na nabigyan ako ng ganu'ng pagkakataon."

"At 'yung mga ginagawa ko ay nagtatagal, 'Walang Diyos,' 'yun 'yung unang-una kong pinroduce na pelikula at hanggang ngayon ay nakikilala pa rin nila, kumbaga hindi nila nakakalimutan. 'Himala,' 'Bona,' marami akong ginawa na maipagmamalaki ko na hanggang ngayon suwerte ako dahil naibigay sa akin 'yung proyektong 'yon."

Hindi itinanggi ni Nora na malaki rin ang naitulong sa kaniya ng showbiz industry.

"Sobra, sobra. Hindi ko puwedeng sabihin hindi sobra, walang naitulong sa akin ang industriya sapagkat diyan ako nag-umpisa eh, sa pagiging singer. Dahil sa pagiging mang-aawit ko, napunta ako sa pelikula."

"Kung hindi naman ako mang-aawit hindi naman ako makikilala ng mga fans, walang makakakilala sa aking mga producer. So 'yun ang isang pinagpapasalamat ko na nakilala ako bilang mang-aawit at napunta ako sa sining." —NB, GMA News