Mga sikat na personalidad na nakahimlay sa Loyola Memorial Park
Matatagpuan sa Marikina City, ang Loyola Memorial Park ay kilala bilang libingan ng mga tanyag na personalidad sa larangan ng showbiz.
Dito nakalibing si Nida Blanca o Dorothy Jones sa tunay na buhay, na nakatambal noon ni Comedy King Dolphy sa hit sitcom serye na "John en Marsha."
Nakalibing din sa sementeryong ito si Francis Magalona na kilala sa tawag na "Man from Manila" at "Master Rapper." Pumanaw siya sa sakit na Leukemia noong 2009.
Dito rin nahihimlay si "The Master Showman" at "Kuya Germs" German Moreno, na isa sa mga institusyon ng showbiz na namaalam noong 2016.
Binabantayan ngayon ng mga honor guards ang isang gintong bulaklak na alay ng mga taga-Marikina sa mga may ipinagluluksa.
Dahil sa walang tigil na ulan, mas kaunti ang bumibisita nitong Undas sa nabanggit na sementeryo, ayon sa mga empleyado.
Patuloy naman ang mahigpit na seguridad at pagkumpiska ng ilang mga gamit tulad ng mga lighter at posporo.
— Jamil Santos/LA, GMA News