Tsinelas action figures ni Elmer Padilla, nakarating na sa Amerika
Nakarating na sa Amerika ang kinabibilibang mga obra ni Elmer Padilla na mga action figure na gawa sa tsinelas. Ang Hollywood actor na si Mark Ruffalo, humanga sa ginang "Hulk" ng Pinoy.
Unang nakilala si Padilla nang mag-viral ang kaniyang larawan na nakitang nagbebenta sa bangketa ng mga likha niyang action figure na mula sa lumang mga tsinelas.
Minsan na rin siyang naitampok sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang kaniyang buhay. (WATCH: Lalaki sa likod ng 'Tsinelas Transformers,' kilalanin sa 'KMJS')
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "Balitanghali" nitong Lunes, sinabi na kung dati ay sa Cavite lang makikita ang kaniyang mga ginagawa, ngayon ay nakakasama na ito sa mga "convention" at nakarating pa nga sa Amerika.
Ang Hollywood actor na si Ruffalo na napapanood sa mga pelikula bilang si "Hulk," nag-post sa kaniyang social media account habang hawak ang likha ni Padilla.
Sa tweet, ipinagmalaki ni Ruffalo na gawa ang hawak niyang "Hulk" action figure sa lumang tsinelas na napaka-creative raw ng gumawa.
Nagpasalamat naman si Padilla na nagustuhan ng aktor ang kaniyang obra.
Sadyang malayo na nga ang narating ng talento ni Padilla dahil na ine-exhibit na rin ang kaniyang mga likha sa mga convention.
Mayroon pa raw na isang dayuhan na hinanap pa siya para sa kanyang gawa na "Hellboy" action figure.
Sinabi ni Padilla na ang lahat ng kaniyang pagsisikap ay para sa kaniyang pamilya. -- FRJ, GMA News