Kate Valdez, marami raw natutunang aral sa 'Encantadia'
Bagaman malapit na ang pagtatapos ng GMA telefantasya series na "Encantadia," sinabi ng young actress na gumaganap bilang Mira na si Kata Valdez na marami siyang babauning aral na ibinigay ng kaniyang mga co-star.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa "24 Oras" nitong Biyernes, si Kate ang napiling May Flower Queen sa taunang Flores De Mayo ng Makati City.
Regal na regal ang dating ni Mira ng "Encantadia" sa suot niyang blue ball gown.
Masaya raw ang young star dahil pangarap niyang makasama sa ganitong event, kung saan higit 40 pang naggagandahang dilag ang nakiisa sa parada.
“Nakakakaba kasi first time ko, pero sobrang saya ko. Kasi dream ko 'to and as a first time dito pa sa Makati so napaka-blessed ko,” kuwento ni Kate.
Isa ring ikinagagalak ni Kate ang hindi inaasahang pagbabalik muli ng karakter niyang si Mira, at maging si Lira [Mikee Quintos] sa "Encantadia."
Hindi raw dapat palampasin ng mga manonood ang panibagong twist na magaganap sa programa.
Dapat daw abangan kung kakampi ba talaga sila o kaaway dahil si Arde ang bumuhay sa kanila.
Para sa pagtatapos ng higanteng telefantasya, makakaasa raw ang encantadiks ng isang pasabog na ending.
Mami-miss man niya ang co-stars, babaunin daw niya ang mga natutunang mga aral mula sa mga ate't kuya sa industriya, tulad ni Glaiza de Castro.
“Kay Ate Glaiza saglit lang kami nakapag-usap that time, pero tini-treasure ko ‘yon. Kahit po saglit lang, ‘yung mga advice niya sa akin about crushes and stuff, like 'pag teenager dapat kailangan makikinig sa mga magulang ganun.' Yung advice niya sa akin and hindi ko kakalimutan 'yan,” anang dalagita. -- FRJ, GMA News