Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kris Bernal, pinasaya ng mga supporter matapos maiyak sa mga basher


 

Tinapatan ng pagmamahal ng mga supporter ni Kris Bernal ang mga panlalait ng mga basher dahil sa kaniyang mga sexy pictorial sa kabila ng maliit niyang pangangatawan.

Sa "Chika Minute" report nitong Miyerkules, hindi napigilan ni Kris ang sarili na maging emosyonal at maiyak nang magkomento tungkol sa mga pang-iinsulto sa kaniya ng mga basher sa pag-pose niya ng sexy para sa isang magazine.

"Super dami as in hindi ko na talaga alam kung ano gagawin ko. Alam mo 'yung nagpipigil ka lang sumagot... sobrang sakit, as in may mga tao talaga na sinasabi sa kabaong na daw ako dahil sobrang payat ko raw," pagbahagi niya.

Patuloy ng aktres, "Ang hirap lang kasing mag-effort na parang ginagawa mo namang lahat. Alam mo 'yon, hindi na 'ko pleaser ngayon eh. Tapos na 'ko du'n sa time na naging pleaser ako na sunod ako nang sunod. This time parang gusto ko naman on my own way, my own goals," saad ng aktres.

Sa isang Instagram post nitong Huwebes, mababakas ang pagiging positibo ni Kris dahil sa magagandang mensahe na natanggap mula sa fans.

Ipinost ni Kris ang ilang screenshot ng mga mensahe ng kaniyang followers na naghihikayat sa kaniya na huwag pansinin ang mga basher dahil mas marami ang nagmamamahal sa kaniya.

Sa caption ng post,  nagpasalamat si Kris at sinabing nagbigay sa kaniya ng inspirasyon at tapang ang mga positibong mensahe ng fans.

"Yes, I take time to open and read your personal messages for me. It's with overwhelming emotion that some people really care about me and my feelings even if they just see me on TV. You inspire and encourage me to keep striving to be the very best I can be. Thank you for always believing in me even if I've failed you many times. Maraming salamat po! Goodnight! ???? #KeepGoing #MyFansAreTheSweetest."

 

Si Kris ang cover photo ngayong May issue ng FHM Philippines. -- FRJ, GMA News