Filtered By: Showbiz
Showbiz

Assunta De Rossi, nagpapagamot para mabuntis


Pagkaraan ng mahigit 14 na taon ng pagiging mag-asawa, hindi pa rin nabibiyaan ng anak sina Assunta De Rossi at Jules Ledesma. Pero hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang aktres.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing dahil mahigit 30-anyos na, nais umano ni Assunta na ituon ang kaniyang atensyon sa pagkaroon na nila ng anak ni Jules.

Inamin ng aktres na isang paraan na ginagawa niya ngayon para magkaroon ng katuparan ang hangarin nila ng asawa ay ang pagpapagamot.

"Kasi hindi naman na 'ko bata, tapos ang dami ko na ngang problema physically, so kailangan ko siyang ayusin. Ang importante, puwede siyang maayos, it's not too late," pahayag ng aktres.

Dati nang sinabi ni Assunta na siya ang may problema kaya hindi pa sila nabibiyayaan ng anak ni Jules.

READ: Pag-amin ni Assunta sa 'di pa pagkakaroon ng anak: 'Ako yung may problema'

Pero kahit sumasailalim sa gamutan, tuloy pa rin si Assunta sa kaniyang mga commitment tulad ng pagdalo sa premiere night ng indie movie na pinagbibidahan niya na, "Higanti."

Kasama niya sa naturang pelikula sina Jay Manalo, Katrina Halili at Meg Imperial, na ipinagmamalaki niyang may kakaibang "twist" sa istorya.

"Kapag pinag-uusapan 'yung paghihiganti, parang laging sinasabi na, 'ah, ok, siguro 'yung bida dito maghihiganti, mananakit na siya or ano.' Pero hindi, it's a different kind of revenge," kuwento ni Assunta.

Nagpapasalamat naman si Assunta sa kaluwagang ibinibigay sa kanya sa schedule ng taping ng kinabibilangan niyang upcoming afternoon prime series ng GMA na "Impostora,"  na pinagbibidahan nina Kris Bernal at Rafael Rosell.

Ayon kay Assunta, gusto niya ang kanyang role sa "Impostora"— na mataray na mayaman.

"Sabi ko, 'ay, mayaman naman for a change.' Kasi lagi akong mahirap," saad ng aktres. "Sister in-law nu'ng character ni Kris. Bale ate ni Rafael Rosell, so meron kaming mga tarayan, hindi kami magkasundo kasi." -- FRJ, GMA News