Filtered By: Showbiz
Showbiz
LOOK

Sef Cadayona, muling tumulong sa mga estudyante sa kaniyang kaarawan


Ilang araw matapos ang kaniyang kaarawan, nagtungo ang Kapuso actor-comedian na si Sef Cadayona sa Wawa National School sa Rodriguez, Rizal upang magdiwang kasama ang mga mag-aaral.

Bukod sa mga masasayang palaro, namahagi rin ng mga electric fan ang aktor upang maging mas maginhawa sa loob ng mga silid-aralan.

Aniya sa panayam ng “24 Oras” nitong Miyerkules, “Naisip ko, para mas maging komportable sila habang nasa loob ng eskwelahan. Walang halong biro, mahirap mag-aral nang mainit, lalo na sa panahon natin ngayon.”

 

Matatandaang noong nakaraang taon, pinili rin niyang makatulong sa isang paaralan sa pamamagitan ng pagpapatayo ng filtration system upang masigurong malinis na tubig ang iniinom ng mga mag-aaral.

 

 

Labis ang saya ng mga mag-aaral dahil napili ni Sef na makasama sila sa kaniyang pagdiriwang ng kaarawan, lalo na't karamihan sa kanila ay aminadong tagasubaybay ng Kapuso Primetime series na “Meant To Be.”

Anila, kakaibang pagpapakilig at pagpapatawa ang hatid ng karakter niyang si Bats Bendiola, ang nakatatandang kapatid ni Billie, na biniibigyang-buhay naman ni Barbie Forteza.

Ayon kay Sef, hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang mga bumubuo ng programa sa mainit na pagtanggap ng marami sa kanilang show.

“Mas lalo kaming na-o-overwhelm kapag nagmo-mall show na kami, kasi hindi namin ine-expect na 'yung buong mall, puno ng mga tao—especially teenagers,” kuwento niya.

Gabi-gabing mapapanood sina Sef at Barbie sa “Meant To Be,” kasama sina Ivan Dorschner, Ken Chan, Jak Roberto, Addy Raj, Gloria Romero, Tina Paner, Sheryl Cruz, Manilyn Reynes, Keempee de Leon, at marami pang iba. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News

Tags: sefcadayona