Filtered By: Showbiz
Showbiz

Balik-Kapuso na si TJ Trinidad, excited nang sumabak sa 'Mulawin Versus Ravena'


Busy year para kay TJ Trinidad ang 2017 dahil sa dami ng mga proyekto na kaniyang gagawin. Bukod sa movie at theater projects, kasama rin siya sa upcoming telefantasya ng GMA na "Mulawin Versus Ravena."

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nagwo-workout at sumasailalim na rin sa ilang pagsasanay ang nagbabalik Kapuso na si TJ bilang paghahanda sa pagsabak niya sa "Mulawin Versus Ravena."

Sa sobrang kasabikan, nag-post si TJ sa Instagram ng larawan niya na nakalagay ang kanyang character name sa fantaserye na si "Greco."

Nagkomento naman ng raising hands emoji ang kaibigan ni TJ na si Richard Gutierrez, na gumanap noon bilang si Aguiluz sa "Mulawin."

"Nung sinabi sa akin na nakapasok ako sa 'Mulawin' sobrang saya ko talaga," anang aktor. "Nagte-train na kami, yung harness work kasi kailangan talagang i-master yung galaw."

Bukod sa telebisyon, aktibo rin si TJ sa paggawa ng pelikula. Kabilang dito ang "Bliss" ng award winning director na si Jerrold Tarog, na kasali sa Osaka Film Festival.

Kasama rin siya sa "Smaller And Smaller Circles," na film adaptation ng isang award winning mystery novel.

At bukod sa telebisyon at pelikula, abala rin si TJ sa first Asian adaptation ng Olivier award winning stage play na, "The Nether" ng Red Turnip Theater.

Nitong Huwebes ng gabi, ipinasilip sa press ang naturang dula na isang sci-fi crime drama tungkol sa isang virtual paradise na tinawag na "The Nether."

Tumatalakay rin sa dula sa sensitibong usapin tungkol sa pedophilia. -- FRJ, GMA News